Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact


Ukol sa Persona: Mga Pagninilay
Setyembre 1, 2000

Agnes David
Ateneo de Manila University

[Ang sanaysay na ito ay isang maikling pagmumuni-muni ukol sa Persona, ngunit isa na ring parangal kay Fr. Ferriols…]

Pambungad

Noong nakaraang linggo, inanyayahan ako ni Dr. Ibana na maging isa sa mga tagapagsalita sa panayam ni Fr. Ferriols. "Naging guro mo siya, hindi ba?" tanong niya sa akin. "Oo," ang sagot ko. Sa katunayan, naging guro ko siya sa Philo 101 at 102. Ipinagpilitan kong makapasok sa kanyang klase bagamat kilala non si Fr. Ferriols sa pagiging mabagsik. Bali-balita na mahirap daw makapasa sa kanya. Gayunpaman, itinuloy ko pa rin. Sa isip ko, di baleng mahirapan, basta maraming matutunan. Isa pa, mayroon kaming "tradisyung Ferriols" sa aming pamilya- apat kaming magkakapatid na dumaan sa kanya … dahil dito, pati tatay ko, may ilusyon na ring maging "Ferriols baby."

Mga Natutunan

Kung mayroong iisang matingkad na bagay akong natutunan kay Fr. Ferriols, iyon ang pagiging tapat sa aking pagkatao. Iminulat niya ako sa kagandahan, kabutihan, kabanalan at misteryong nananahan at likas sa akin. Sa loob ng dalawang semestre, sinabayan ako ni Fr. Ferriols sa aking "personal na paglalakbay" at doon ko nasimulang paliyabin ang mga mahahalagang tanong ukol sa aking pagkatao: Sino ako? Bakit ako narito? Saan ako patutungo? Naaalala ko pa na dahil sa labis kong pagkagiliw sa Pilosopiya, madalas kong mapabayaan ang aking ibang mga klase tulad ng biolohiya at kimika.

Higit sa sampung taon na ang nakalilipas… patuloy pa rin akong naglalakbay… at hindi pa rin namamatay ang liyab ng pagtatanong. Bagamat marami na ang mga pagbabago sa akin at sa mundong ginagalawan, may mga bagay na sadyang hindi kumukupas…mga bagay na natutunan na patuloy na gumagabay sa akin.

Pagtuturo ng agham

Hindi ko inakalang mapapadpad ako sa pagtuturo… balak ko sana noon na kumuha ng medisina at maging isang ganap na duktor - ngunit nag-iba ang tinahak kong landas…

Halos pitong taon na akong nagtuturo ng agham. Sa loob ng panahong iyon, nakita ko na maging ano pa man ang aking bokasyon, ang pinakamahalagang pamantayan ko sa aking paggawa sa araw araw ay ang maging tapat sa aking sarili, at sikaping pagyamanin ang aking pagkatao.

Mas mahalaga ang pagsasabuhay kaysa sa detalye

Isa sa mga paniniwala ko bilang guro ay ang kapangyarihan ng persona o pagkatao sa pagtuturo. Mas may kapangyarihang magbigay liwanag at inspirasyon ang persona ng isang guro kaysa sa ano pa mang diskusyon sa klase. Nakasisiguro akong madaling malimutan ng isang estudyante ang mga detalye na pinag-uusapan sa silid aralan tulad ng anatomiya ng tao, ang proseso ng photosynthesis o ang mekanismo ng pagkasira ng ozone sa papawirin… ngunit hindi niya malilimutan ang pagbati mo sa kanya tuwing nakakasalubong mo siya, ang kaugaliang pagtitipid (mula sa maliliit na bagay tulad ng papel, tubig o kuryente hanggang sa malalaking mga bagay), o marahil ang likas na pagkagiliw sa paglubog ng araw.

Paghahanap sa katotohanan

Gayunpaman, paano ko isinasagawa ang pagtuturo ng agham? Ang agham ay isang disiplina na masasabing nakatuon sa paghahanap sa katotohanan upang higit na maunawaan ang misteryo hindi lang ng ating sarili kundi ng ating kapaligiran. Halimbawa, may malalim na pagnanasa ang tao na malaman kung saan siya nanggaling…likas sa tao ang magtanong kung paanong nagkaroon ng lupa, ng tubig, ng solar system, ng sansinukuban? Saan, kailan at higit sa lahat, bakit nagsimula ang lahat?

Dahil sa agham at teknolohiya nagkaroon ng mga kasagutan, bagamat hindi ganap, ang mga pagtatanong na ito. Mas nauunawaan na natin ang simulain ng sansinukuban dahil sa pinagpaguran ng agham at teknolohiya: ang mga pinagsama-samang kaalaman tungkol sa mga iba't ibang puwersang umiiral (tulad ng strong force, weak force, electromagnetic at gravitational force), butil ng materia (tulad ng proton, electron, neutron, bosons, mesons) at teoriya (tulad ng Big Bang) ay nakapagdulot sa atin ng kagalakan at pagkamangha.

Dahil sa mga bagong kaalamang ito… na ang sansinukuban ay patuloy na lumalaki, na "latak ng mga bituin" ang mga planeta, na bawat butil ng buhay ay umagos sa loob ng higit na tatlong bilyong taon upang mabuo ang tao… umaasa ako na higit nating pahahalagahan ang mga kaloob na ito, at higit nating magagamit ang ating talino at galing para sa ikabubuti hindi lang ng tao, kundi ng iba pang nilikha.

Sa kasawiang palad, ang disiplina ng agham at ang pamamaraan ng teknolohiya ay maaaring makapagdulot ng di-kanais-nais na mga bagay. Ang dalisay na adhikain ng agham na hanapin ang katotohanan at pagyamanin ang buhay ng tao ay maaaring malunod ng iba pang mga puwersa. Ang paggamit, halimbawa ng mga genetically modified organisms ay nakapagpabuti sa agrikultura ngunit maituturing na karahasan sa integridad ng halaman, hayop at microorganismo. Ang paggamit ng langis at mga makinarya ay nakapagpabilis sa industriyalisasyon ngunit nakapagpadumi ng ating hangin, tubig at lupa. Ang paggamit ng cellphone ay isang epektibong pamamaraan ng pagtutulay sa mga tao, ngunit tila naglalaho ang diwa ng paghihintay at tunay na pakikinig.

Makapangyarihan ang agham at teknolohiya sapagkat isinisiwalat niya ang nakapinid na pinto ng sansinukuban. Nagmistulang diyos ang tao dahil sa kakayahan niyang baguhin ang landas ng ebolusyon. Dahil dito malaki rin ang ating pananagutang siguruhin na magamit ito sa wastong paraan. Ang hamon, marahil, sa aming mga guro, ay ang matulungan ang mga mag-aaral na sikaping patuloy na magtanong at manimbang… na sa kabila ng lahat ng pagbabago at sa gitna ng mga puwersang ginagalawan ng siglong ito, maaari pa rin silang tumigil, manahimik at magtanong: Sino ako? Bakit ako narito? Saan ako patutungo?

Magtatapos ako sa isang tula na isinulat ko noong taong katatapos ko lang ng kolehiyo… ginamit ko ang simbolismo ng kandila sapagkat itinuturing ko itong isa sa pinaka-angkop na talinghaga sa buhay ng tao…

Setyembre, 1989

Kawalahan:
Mula rito'y nasindihan ang apoy ng buhay.
Ang pinagmulan:
Walang kamatayang liyab ng Purong Pag-ibig.

Nilalang:
Kandilang nasindihan,
Nabigyan ng kahulugan.

Kandilang nag-init:
Dumama at nagpadama.
Dumanas,
Nalugmok sa sandaling kinaroroonan.

Kandilang nagsabog ng liwanag:
Dahil sa iisa,
Ang lahat ay nag-iba.

Kandilang may hangganan:
Nagbigay, nagbuhos,
Unti-unting naupos.

Nalusaw,
Naglaho na parang usok.
Nagbalik sa wala.

Buhay:
Salamin ng kawalang-hangganan,
Patikim ng Kanyang kaganapan.


Nawa'y maging liwanag at inspirasyon tayo sa isa't isa… maraming salamat po!

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

All Rights Reserved 2003 Pilosopo Tasyo
Updated last 08 September 2003