Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

ANG LANDAS NG MISTISISMO
SA PAGTUKLAS SA KAHULUGAN NG PAG-IISIP
AYON KAY HEIDEGGER

Albert Lagliva
Ateneo de Manila University

Introduksyon

Hindi maipagkakaila na isa sa pinakamaimpluwensya at marahil isa rin sa pinakamakontrobersya sa larangan ng kanlurang pilosopiya ang mga pag-iisip ni Martin Heidegger. Mahirap na hindi mapansin ang yaman ng kanyang pag-iisip sa kasalukuyang panahon sapagkat patuloy niya tayong hinahamon na maging hindi palagay sa mga nakasanayang mga batayan at idolo ng ating pag-iisip upang malaya nating ilagay ang ating sarili sa kahiwagaan at kamanghaan ng lahat-lahat.

Layunin ng papel na ito na unawain ang kabuuang diwa ng mga pagmumuni ni Heidegger simula sa mga taon noong 1930 kung kailannaging malinaw na hindi na niya pinagtutuunan ng pansin ang problematiko ng Dasein (na siyang katangian ng unang Heidegger),  kundi ang usapin na mismo ng Sein. Bibigyang diin sa papel na ito ang pagnanais ni Heidegger na makamit ang pag-iisip o Denken na may ganap na pagkakaiba sa tinataguriang "pamimilosopiya." Bibigyan ng linaw ang intensyon ng papel na ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga ideya at pagmumuni-muni ni John D. Caputo sa kanyang librong pinamagatang The Mystical Element in Heidegger's Thought kung saan ipinakikita niya na may natatanging impluwensiya kay Heidegger ang pag-iisip ng isang Dominikanong mystiko na si Meister Eckhart. Ang mga elementong mystikal sa pag-iisip ni Heidegger ang nagpapanatiling bukas ng pilosopiya sa hindi mabilang na posibilidad sa pag-uunawa ng pagkanagmemeron ng lahat.

Isang Sulyap Sa Proyektong Metapisikal Ni Heidegger

Marahil ang pinakaakmang paglalarawan na maaaring ibigay sa proyektong metapisikal ni Heidegger ay isang uri ng pag-iisip na maituturing na radikal ang pagkakaiba sa nakagawiang uri ng pamimilosopiya . Ang pag-iisip (Denken) na ito ay isang pagbalik sa isang higit na sinaunang gawain kung saan ang napapaloob din ang Dasein. Sa pamamagitan ng pag-iisip na ito, nagigising tayo sa isang uri ng "pagkalimot" na siyang nagiging batayan at bumubuo sa mismong kasaysayan ng kanluraning metapisika, mula sa pananaw ni Heidegger . Kailangang lampasan ang matinding pagbibigay diin sa isang antroposentrikong uri ng pamimilosopiya (na ang pinag-aaksayahang problematiko ay ang pagiging awtentiko ng Dasein) upang makarating tayo sa pagpukaw sa mismong nagbibigay posibilidad sa Sein, sa panahon, at maging sa kasaysayan.

Malinaw kay Heidegger na ang pinagkakaabalahan ng kanlurang pilosopiya ay ang pag-uugat ng lahat ng umiiral sa isang partikular na ideya o eidos na kailangang naririyan upang maging batayan ng kahit anong posibilidad ng katotohanan at diskurso. Kailangang matatag at hindi naglalaho ang mga batayan upang magkaroon ng saysay ang kahit na anong uri ng rason o pag-abot ng pag-uunawa sa mga bagay. Para kay Heidegger, ang nahuhuli lamang ng kanlurang pilosopiya ay ang katatagan ng presensiya ng isang Sein bilang responsable sa lahat ng kahulugan at saysay ng Seindes. Ninanais lampasan ni Heidegger ang ganitong simplistikong pananatili ng pilosopiya sa mistulang ontolohikal na pagkakaiba sa gitna ng Sein at Seindes. Layon ni Heidegger na para bagang iwaksi ang pagtingin sa punto de bista ng Dasein at maging lublob sa mismong pagpapakita ng

Sein na siyang pinanggagalingang bukal ng lahat ng paglalantad at pagkukubli sa kasaysayan at panahon .

Ngunit upang maging matagumpay si Heidegger, nakikita niya nga pangangailangan na iwanan ang usapin ng Sein at mas maging abala sa ibang bagay. Upang tunay na maabot ang pag-iisip, kailangan nating tumungo higit sa abot ng ating makakaya…lagpas sa Sein. May lagpas at higit sa nakasanayang paniniwala na pagkakaiba ng Esse at ens na siyang tingin ni Heidegger na tanging pinagkaabalahan halimbawa ni Sto. Tomas de Aquino . Hindi lahat ay kailangang maiugat sa Sein katulad na rin halimbawa ng paninindigan ni Platon na ang Mabuti ay lagpas at higit sa ousias . Para kay Heidegger, may mas sinauna siyang nakikita na nananatiling hindi maiuuwi sa pag-iisip at patuloy na hindi masasabi sa kabuuan ng pilosopiya. Malinaw na gusto ni Heidegger na lampasan ang usapin ng Sein, ngunit mulat din siya na maaari lang itong maabot sa pagtahak din at pagdaan sa landas ng Sein. Isang uring paghakbang na paatras at pag-uulit ang ninanais niyang gawin kung saan ang usapin ng ontolohikong pagkakaiba ay hindi na ang nagsisilbing may pinakamahalagang papel sa pagmumuni ngunit inaasahan niyang makarating tayo sa isang kalagayan na inilalagay tayo sa atitud ng simpleng paghihintay at pagbabantay sa maaaring   ipahintulot na magpakita .

Walang pangalan ang kalagayang ito at tinatawag lamang ni   Heidegger ito sa simpleng bansag na Ereignis . Para sa kanya, tinatawag tayong manatili sa hindi matawag na katotohanang ito. Kinakailangan na pinahihintulutan natin ang ating sarili na mapaloob sa kalagayan ng Ereignis, na maging hindi palagay at hindi maging komportable sa kung anuman ito na hindi kailanman nating kongkretong masasapo hindi tulad ng Sein ng lahat-lahat na nananatiling naririyan, nasa ating presensiya at kayang mahuli at maintindihan kaagad.

Ang Ereignis ay nagbibigay posibilidad sa Sein at ang   pagpapahayag nito sa kasaysayan . Ngunit nananatili itong hindi masasabi. Hindi ito nakikita bilang isang batayan na basta naririyan tulad ng logos o isang uring ratio. Isa itong pagbubukas at munting pagsusulyap na nakikita ni Heidegger lagpas sa Sein na kumikilos upang sa wakas ay basta hayaang dumoon ang Sein sa kalawakan at panahon. Para kay Heidegger, itong nananatiling hindi masabi ay hindi simpleng presensiya na nahayag bilang batayan ngunit mas tamang sabihin na isang akto ng pagpapahayag, isang aktibong kilos ng pagbibigay presensiya . Lumalabas na ang nagbibigay katalagahan at katuturan sa pagkakaroon ng posibilidad ng Sein ay isang anuman na walang ngalan ngunit kumikilos sa paraang palaging nagbibigay at nagbabahagi . Bago ang Sein, may pagbibigay daan sa Sein at ng posibilidad nito, na para kay Heidegger na kailanman ay hindi na mahuhuli ng metapisika sa dahilan na ginugugol lamang nito ang panahon sa simpleng pag-uunawa sa Sein at Seiendes.

Inaasahan ni Heidegger na ang mahuli niya at kanyang masakyan ay ang mismong tindi ng akto ng pagbibigay ng Ereignis sa kasaysayan at panahon. Ang kasaysayan sa ganitong pananaw ay nagiging kilos ng patuloy na paglalantad at pagkukubli . Ang kasaysayan ay hindi na nagiging ang matatag na katalagahan ng Sein, bagkus ito na ay nakikita bilang ang mismong akto ng pagpapahintulot na mapahayag ang mismong Sein at katotohanan  sa daigdig. Sa ganitong konteksto para kay Heidegger, ang sinaunang kahulugan ng aleitheia sa Griego ay hindi na isang proseso ng paghahanap sa mga matitibay na batayan na maaaring tawaging ratio at mapagkakatiwalaang logos. Bagkus ito na ang mismong proseso kung saan ang mismong Sein, kasaysayan at katotohanan ay naibubukal at naipapahayag sa katalagahan. Ang Sein bilang pagiging presensya na   pinahihintulutan ng mismong masidhing akto ng pagbibigay. Ang aleitheia bilang paglalantad ng nakukubli ang siyang dapat na maging laman ng pag-iisip. Ang aleitheia ang mismong pagbubukas kung saan ang pagiging-Sein ay ibinibigay .

Sa katapusan, tanging sa pamamagitan ng kilos na ang Dasein ay pumapayag magpahayag ang Sein at mangibabaw ito sa atin sa isang absolutong kilos ng pagpapahayag at pagpapaubaya o Gelassenheit lang natin mararating ang kaisahan ng Sein at pag-iisip. Ang pag-iisip o Denken ay ang pagbubukas sa pagpapakita ng Sein sa kanyang sarili.

Ang mismong kilos ng pagsuko at pagpapahayang lumantad ang anuman na  wala akong ginagawang pagpataw ng sarili maliban sa basta paglalagay ng sarili sa kalagayan ng paghihitay ang punto ng pag-iisip kay Heidegger. Ito ay isang kilos ng paghihiwalay sa pagpapahalaga sa sarili o isang kilos ng Abgeschiedenheit upang magbigay daan tungo sa kasarinlan ng pagpapahayag ng Sein . Ang paghahaya ng sarili at masakop ito ng mismong pangyayari ng lahat-lahat ang tunay na pagpapakatao. Sa pamamagitan ng mapagkumbabang paghihintay sa kung anuman ang maaaring pangyayaring darating ay naaabot ng Dasein ang tunay na kahulugan ng lahat. Doon lamang nagkakaroon ng tunay na karapatang maging tagakupkop ng pag-iisip ang Dasein sa daigdig. Ang paghahaya ng sarili at isang kilos ng pagtanggap sa daigdig at sa pagpapahayag nito sa Dasein.

Paglilinaw ni John Caputo Ipinapakita ni Caputo na sa proyekto ni Heidegger, tahasan ang pagkakaiba ng gawain ng pilosopiya at pag-iisip. Mas sinauna ang kilos ng pag-iisip kaysa sa pagtatakda ng disiplina ng pamimilosopiya at bahagi ng hamon sa pag-uunawa ng tao sa katalagahang ito ay isang muling pagbabawi o Wiederholung sa posibilidad na matuklasan muli ang mas malawak na katotohanan ng pag-iisip . Ang pilosopiya para kay Heidegger ay ang pamamayani ng makataong pangangatwiran. Posibleng umiral lamang ito sa entablado ng isang tradisyonal na metapisika kung saan ang nagiging tanging pakay lamang ng pag-uunawa ay makapagbigay ng rason o mga argumento na kayang suportahan ng pag-uunawang antroposentriko. Mukha yatang nagawa na ng pilosopiya ang sukdulan ng mga posibilidad ng pangangatwiran. Naabot na ng pilosopiya ang kaganapan ng rason at lohika at kaya anumang landas na ibinubukas ng pamimilosopiya ay hindi pa rin maipagkakailang gumagalaw lamang ito sa abot-tanaw ng pagbibigay ng tao ng posibleng rason sa lahat ng mga pangyayari sa daigdig .

Hindi sapat ang mga pangyayaring ito para kay Heidegger sapagkat para sa kanya ang pilosopiya ay isang nag-uumapaw na paghahangad tungo sa paglapit ng pag-iisip sa mismong Sein o Seinsdenken . Wala ito sa kakayahan ng pilosopiya kaya kailangang lampasan at iwanan ang nibel ng pagbibigay ng mga makataong argumentasyon upang sa halip na makarating sa isang kalagayan na ang kilos pilosopikal ay nagiging isang gawain lamang ng Dasein, ito ay nagiging pagkilos na ng pag-iisip na sinusukuban at pinaghaharian ng Sein mismo. Sa ganitong konteksto, ang pag-iisip ay wala ng inalaman sa paradigma ng pangangatwiran, kung hindi gumagalaw na sa larangan na hindi konseptwal o maka-rasyonal na paninindigan. Para kay Caputo, tanging si Heidegger lamang ang tumawag ng pansin sa ganitong makabagong paraan ng pagtingin na ninanais itakda ang katapusan ng pilosopiya sapagkat ang mga rebolusyonaryong pag-uunawa na inihain ng mga ibang kilalang pilosopo ay pawang mga pagtanggilamang sa mga nakagawiang mga metodo at pamamaraan ng pangangatwiran, upang sa katapusan ay makapagbigay din ng kanilang alternatibong mga metodo na pilosopikal din ang kalikasan . Sa wakas, ang mga ito ay nauuwi pa rin sa pilosopikong rasyonal na pangangatwiran. Hindi na pilosopikal at metapisikal ang hinahangad ni Heidegger ngunit isang uri ng pag-iisip na matatagpuan lamang sa katapusan at kaganapan ng pilosopiya.

Para kay Caputo, upang maabot at makilala natin nang husto ang proyekto ni Heidegger bilang pag-iisip na hindi na maaaring maunawaan ng kilos ng pilosopiya, kailangang makita natin ang napakalapit na pagkakatulad nito sa kilos ng mystisismo na malinaw na lumalampas na sa mga hangganan ng metapisika . Dito mabilis na nililinaw ni Caputo na hindi niya hangaring bansagan na isang mystiko si Heidegger sapagkat malinaw na hindi relihiyoso ang layunin ni Heidegger. Ngunit bagaman ganap ang pagkakaiba ng layunin ni Heidegger bilang pag-iisip at ang layunin ng mystisismo bilang masasabi nating pakikiisa sa Diyos, maraming pagbubukas at pagbibigay liwanag ang nagagawa ng usapin ng mystisismo sa pagmumuni ni Heidegger. Idinaragdag pa ni Caputo na isang baog na pangangatwiran ang naaabot ng pilosopiya kung hindi ito bukas at sensitobo sa mga posibleng natutuklasan ng isang mystiko at isang ganap na kalabuan din na walang malinaw na saysay ang mystisismo na tumatanggi sa mga ambag na pagmumuni ng pilosopiya . Para kay Caputo, hindi yata maipagkakaila na may elementong magkahawig sa kilos ng paglampas ni Heidegger sa metapisika tungo sa pag-iisip at sa kilos ng isang mystikong lumulundag tungo sa ganap na pakikiisa sa Diyos. Pinaninindigan ni Caputo na hindi isang marahas na pagpupumilit ang pagsasagawa ng pagkilala sa impluensiya ng mystisismo sa buong itineraryo ni Heidegger. Partikular na rito ang  mga pagmumuni ng isang mystikong si Meister Eckhart na naging kontrobersyal din sa kanyang panahon.

Munting Sulyap Sa Proyektong Mystikal Ni Eckhart

Malaki ang pagtitiwala ni Eckhart sa kakayahan ng tao na   magkaroon ng tunay na pakikiisa sa Diyos dahil na rin sa kanyang pananaw na ang tao ay hindi maaaring maiuwi lamang sa kanyang mga antropolohikal na paglalarawan o sa mga metapisikal na pagbibigay klasipikasyon. Sa katunayan para kay Eckhart, kakaiba ang tao sa lahat ng nilalang sapagkat sa kanya lamang matatagpuan ang mga posibilidad kung saan maaaring manirahan at makiisa ang Diyos sa Kanyang nilalang. Ang tao para kay Eckhart ay ang munting kastilyo na maaaring pagharian ng Diyos . Ang tao rin ang batayan ng kaluluwa na nakikiisa sa mga pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang ganap na katalagahan. Bago ang lahat, malinaw na para kay Eckhart, ang esensya ng tao ay isang dalisay na pakikiisa at relasyon sa mismong Sein na walang iba kung hindi ang Diyos. Kaya ang tanging tahanang pahingahan na maaaring manahan nang may lubos na katiwasayan sa tao ay ang kalooban na hindi hiwalay sa Diyos, bagkus pinaghaharian Nito.

Ang pakikiisa lamang sa Diyos ang mahalaga kay Eckhart at wala ng iba. Sa katunayan, isang ganap lamang na pagwawaldas ngpanahon at kakayahan ang pagtuunan ng pansin ang mga panlabas kong gawain sa daigdig . Ang kalooban ko ay dapat higit na mas pinagkakaabalahan ang pakikiisa sa Diyos kaysa sa gawain na may kinalaman sa pagtugon ko maging sa mga responsibilidad ko sa mga nilalang. Posible na dahil sa pagiging sangkot at pakikiramay ko sa mga pangangailangan at kabutihan ng mga nilalang sa daigdig ay ganap na makalimutan ko na ang mas sinauna kong adhikain na wala ng ibang pakay kung hindi na ang aking kalooban at kaluluwa ay sukuban ng kapangyarihan ng Diyos. Mas mahalaga para kay Eckhart na ang kalagayan ko ay isang ganap na pagkaputol ng aking kalooban sa daigdig at sa lahat ng nilalang upang maibalik ko muli ang aking kaluluwa sa sinauna nitong tahanan na ang Diyos mismo.

Idinaragdag ni Eckhart na sa kaluluwa ng tao nagaganap ang kapanganakan ng Diyos Anak . Ang kaluluwa ko ay aking hinahanda upang pangyarihan ng kaganapan ng isang natatanging relasyong posible lamang na maganap sa tao. Ang kaluluwa ay para sa pagpapahayag ng Diyos Anak na kaisa ng Diyos Ama. Walang hihigit pang layunin ang tao kung hindi ang pag-aksayahan ng lahat ng aking lakas at panahon itong relasyong ito. Kaya malinaw na hinihingi sa tao na lampasan ang nakasanayang pagbibigay halaga sa mga interes at damdamin para sa mga bagay na nilikha sa mundo. Kailangan akong gumawa ng isang radikal na paghihiwalay at pagpuputol sa kaisahan ko sa mga bagay sa daigdig upang magbigay daan sa isang kalagayan na ang kalooban ko ay ligtas na sa pakikiisa sa mga nilalang nang sa gayon ay lubos na mapagkumbabang tumatanggap na lamang ng pagpapahayag ng Diyos ng kanyang sarili ayon sa Kanyang nais .

Para kay Eckhart itong kalagayan ng ganap na pagkaputol at   paghihiwalay ng kalooban ko sa daigdig (Abgeschiedenheit) ay mas mataas sa lahat ng pagpapahalaga . Sa katunayan para sa kanya ang Diyos mismo ay ganap ang pagkahiwalay sa lahat-lahat . Hindi Siya  kahit anumang partikular na pag-iral sapagkat Siya mismo ang purong kaganapan sa pag-iral. Ganap ang pagiging hiwalay ng Diyos sa kahit anumang bagay at kaya Siya ay isang walang anuman: isang wala o Das Nichts. Ganap ang kanyang kawalan sa anuman. Dahil dito walang anuman sa daigdig ang maaaring makatitinag o makakaapekto sa Kanyang pagiging ganap sa Sarili .

Sa wakas ipinapakita ni Eckhart na sa ganitong kalagayan ang naiiwang landas na maaaring patunguhan ng kaluluwa upang makiisa sa Diyos ay ang landas din ng Abgeschiedenheit kung saan ako ay agad bukas sa pagpapahayag ng Diyos. Walang bagay na nakakabagabag sa akin sa relasyong ito. Wala akong dalang anuman sa pakikiisa ko sa Diyos. Ang tanging naiiwan sa akin ay ang kilos ng paghahanda sa aking kaluluwa sa Kanyang pagdating. Nagiging ganap at tunay na ang aking karukhaan at kawalan ng kapangyarihan upang hayaang manaig ang kabanalan ng Diyos . Isang natatanging kilos ng pagpapahaya o Gelassenheit ang naiiwan sa aming kaisahan. Hayaang maging Diyos ang Diyos at hindi Siya maiuwi sa kahit anumang konsepto o imahen na kaya kong mabuo ukol sa Kanya. Ang pagpupuri sa Diyos ay isang mapagkumbabang paghahaya nating ipahayag Niya ang Kanyang sarili sa tanging paraan Niya lamang .

Mga Konsepto Ni Eckhart Sa Itineraryo Ni Heidegger

Hindi maipagkakaila na nagkaroon ng matinding interes si Heidegger sa mystisismong medioebal simula pa noong nag-aaral pa lamang siya sa Freiburg at partikular sa kanyang pinahalagahan ay galing sa mga pagmumuni ni Eckhart. Ninanais ni Caputo na bagaman ibang-iba ang layunin ng mystiko at ng pilosopo ay huwag sana agad salubungin ng skeptisismo ang naturang paglalahad ng paglalapit nila sa isa't-isa. Sa katunayan, si Caputo na rin ang nagsabi sa simulang-simula na ang nailahad lamang ni Heidegger sa kanyang konsepto ng Ereignis ay isang malagim at hindi matukoy na kalagayan na ibang-iba sa nararating ni Eckhart sa kanyang pagnanais na palayain tayo sa makataong pagbubuo at pag-uunawa ng Diyos na higit sa atin upang masilayan ang ganap na liwanag at kadakilaan ng Diyos.Pinaninindigan lamang ni Caputo na sa paglalahad ng analohiya ng pag-iisip ni Heidegger at Eckhart ay maaaring mas maging malinaw ang pag-uunawa natin sa mga pagmumuni ni Heidegger. Mayroong limang ideya na hayag ang pagkakatulad na ninanais mailahad ni Caputo.

Una, may pagtutugmang nagaganap sa pag-uunawa ng dalawa sa   tao. Para kay Caputo, malinaw na ang nagbibigay halaga sa tao para kina Eckhart at Heidegger ay ang kanilang relasyon sa mga katalagahan na higit pa sa mga antropolohikal na interpretasyon ng tao . Ang Dasein para kay Heidegger ay isang relasyon sa Sein. Tangi lamang sa Dasein nauunawaan ang pagpapahayag ng Sein at dahil dito hinahayaan at hinahanda ng Dasein ang kanyang sarili na maranasan ang pagpapakita ng Sein . Sa katunayan, sa simula't-simula pa ay malinaw na nagiging posible lamang ang lahat ng pangyayaring nagaganap sa Dasein dahil na rin sa Sein. Sinauna rin para kay Eckhart ang relasyon ng tao sa Diyos. Ang tao ay nakikibahagi sa kabanalan ng Diyos. Tangi lamang sa tao makikita ang maaaring pangyarihan ng pagpapahayag ng Diyos. Ito ay magaganap sa sandaling inihahanda ko ang aking kaluluwa at lalooban bilang lugar na maaaring matuluyan ng Diyos upang matirahan. Hinahayaan kong manaig sa relasyon na ito ang Diyos na higit at lampas sa anumang bagay. Kaya ang Dasein bilang ang adhikain ay pag-iisip, ay patuloy na bukas sa akto ng pagpapahayag ng pangyayari ng Sein samantalang ang kaluluwa rin ay buong pagbubukas sa kaganapan ng pagpapakita ng Diyos .

Pangalawa, dahil matindi ang relasyong nagaganap sa gitna ng Dasein at Sein, at ng kaluluwa at Diyos, nagkakaroon ng pagkalapit sa istruktura ang pangyayari ng katotohanan na nagaganap sa Dasein at ang pangyayari ng katotohanan na nagaganap sa kaluluwa . Pawang nararanasan ng mystiko at pilosopo ang karukhaan ng tao sa   pagpapaganap ng pangyayari ng pagsilang ng Diyos Anak at ng Ereignis. Nagkakasundo ang dalawa sa pag-uunawa na ang tanging makataong gawaing posible sa ganitong relasyon kung saan sangkot ang tao sa katotohanang higit sa kanila ay ang paghahanda at paghihintay sa maaaring maganap. Hawak ng Sein ang relasyong ito at inihahatid lamang ng Sein ang Dasein sa kanyang sarili. Samantala ang pangyayari rin ng pagsilang ng Diyos Anak ay buong kalayaang pinapaganap ng Diyos Ama sa kaluluwa. Sapagkat wala sa poder ng tao ang pagpapaganap ng anuman, nagiging malinaw na ang pangyayari ng Sein ay hindi isang pagtupad sa mga makataong pangangailangan ng Dasein. Walang iniaalok ang Sein bilang tugon sa mga pagmamangha ng Dasein sa katalagahan. Ang kilos ng Ereignis bilang pagbibigay posibilidad sa lahat ng pangyayari kasama ang Sein mismo ay kailangang tanawin bilang isang simpleng pagbibigay o pagbibiyaya sa tao sa kanyang pag-iisip. Ganap rin ang pagbibiyayang ginagawa ng Diyos Ama sa kaluluwa. Ang Diyos Anak ay  hindi isang pangyayaring naganap dahilan sa matinding pagtawag at pagtatangis ng kaluluwa para sa isang espiritwal na direksyon at pagbubuo. Sa katunayan, sinasabi ni Eckhart na ganap ang pagkaputol ng Diyos Ama sa daigdig na walang kahit anong pagkatinag na magaganap  sa Diyos sa mga panahon ng ating masidhing mga panawagan at panalangin. Nananatiling walang pagbabago ang Diyos, mailalang man tayo o hindi . Hindi tawag ng makataong pangangailangan ang pagsilang ng Diyos Anak. Purong pagbibiyaya ito.

Pangatlo, sinasabi ni Caputo na ang pinakahayag na   impluwensya ni Eckhart kay Heidegger ay ang paggamit ni Heidegger ng isang konseptong nanggagaling kay Eckhart, ang Gelassenheit . Sa puntong ito pawang niyayanig tayo ng pilosopo at ng mystiko sa ating tigas ulong paninindigan na ang tao ay ang nagbibigay kaganapan sa daigdig. Ipinamumukha sa atin ni Heidegger at Eckhart na ang ating intelekto ay kailangang sumuko at maging mapagkumbaba sa mas sinaunang pangyayari na lampas sa ating kapangyarihan. Itinuturo nila tayo sa pag-uunawa na sa wakas nakasalalay lang tayo sa pagbibigay at pagpapahayag ng Sein para kay Heidegger at pagbibiyaya ng buhay at katalagahan ng Diyos Ama para kay Eckhart. Pawa nilang nilalabanan ang matinding pagbibigay halaga at absolutong pagtitiwala sa sariling pag-uunawa at kakayahan. Sinauna sa pag-uunawa at pag- alam ay ang mapagkumbabang pagdanas sa mga pangyayari sa katalagahan na ipinapahayag ng Sein o ng Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak.

Kaya ang Gelassenheit ay ang kilos ng paghahaya at pagpapaubaya sa  pangyayari ng Ereignis para kay Heidegger at ang pagsuko ng sarili para sa mystikal na pakikipagkaisa ng tao sa Diyos para kay Eckhart . May pakikisamang ginaganap ang Dasein sa Sein na hinahayaang huwag panghimasukan ng tao sa pamamagitan ng kanyang sariling pag-uunawa ang nagpapahayag. Bilang pakikiisa ko at pagtanggap na ako ay nakasalalay lamang sa kilos ng Ereignis, hinahayaan kong mangyari ang lahat at huwag subukang isiksik ang mga kaganapan sa mga handang sumalo sa mga kategoriya ng aking pag-uunawa. Ang proyekto ng Denken ay makararating sa kalagayan na ang lahat ng aking pagnanais na umunawa at pagsasadya ng bigyan ang lahat ng makataong kahulugan at saysay ay isinasantabi ko at kinakalimutan upang ganap ko lamang itirik ang sarili ko sa karanasan ng katotohanan at Sein.

Sa kabilang dako, may pakikisama ring ginaganap ang kaluluwa  ko sa Diyos na isang pagsuko ng sarili ko at pagpapaubaya na manahan ang Diyos sa aking kalooban upang Siyang maging bukal ng lakas at buhay ko. Ang Gelassenheit kay Eckhart ay ang pagwawaksi ng kahit anong pagnanais na manggaling sa akin ang bunga ng pagpapahalaga at pag-ibig ko sa aking sarili at maging ng aking kapwa. Bagkus para kanya dapat pagharian ako ng Diyos sa lahat ng bagay. Para kay Eckhart, wala ng titindi pa sa ligaya na maranasan at masumpungan ang Diyos sa Kanyang purong kabanalan . Nakasalalay lamang ako sa biyaya ng Diyos.

Pang-apat, kabahagi ng Gelassenheit ay ang konsepto ng Abgeschiedenheit na pawang may malapit din na pagkakaisa si Heidegger at Eckhart . Ang Abgeschiedenheit ay isang paghihiwalay at pagpuputol ng aking pagbibigay halaga at pagtutuon ng interes sa usapin ng Seiendes para kay Heidegger at ng mga ibang nilalang para kay Eckhart. Magiging ganap ang pagpapaubaya at paghahaya ko sa mga pagpapahayag ng nakahihigit sa akin kung ako ay bibitiw sa matinding pagkapit sa mga bagay-bagay sa katalagahan. Para kay Heidegger, alang- alang sa pagdanas sa Ereignis bilang ang katotohanan ng Sein, hinihiwalay ko ang sarili ko sa usapin ng ontolohikong pagkakaiba lamang ng Sein at ng Seie ndes. Hindi ito ang aking dapat pagkaabalahan sapagkat kinakailangan kong maghanda at maghintay sa sinaunang kaganapan ng pangyayari ng katotohanan at Sein (Ereignis).

Radikal din ang ginagawang paghahanda at paghihintay ni Eckhart. Para sa kanya, kinakailangang putulin at linisin ko ang aking kalooban ng mga relasyong pangnilalang upang ibuhos ko ang lahat ng aking sarili sa pakikiisa sa Diyos. Wala akong kinakapitang anuman upang tanging ang pagnanais at gawain lamang ng Diyos ang naghahari sa akin.

At panglima, kapwa kinikilala ni Heidegger at Eckhart na umuugat ang lahat ng batayang hindi na maaabot ng pag-uunawangpantao. Para kay Heidegger ang Sein bilang batayan ay nananatiling misteryo at ang makataong pag-uunawa rito ay hindi nagiging sapat kailanman. Sa katunayan pinupukaw tayo sa kawalan (Das Nichts) sapagkat nahuhulog tayo sa isang kawalang anuman na pagbabatayan.

Nawawalan na ako ng awtoridad dito sapagkat dumudoon ang Sein sa isang Abgrund na hindi ko na makikilala . Ganoon din si Eckhart. Ang Diyos kung saan nagbubukal ang katalagahan ng lahat ng bagay ay isang walang pangalang ilang o disyerto. Sinauna sa kahit anong kakayahang pantao na maaaring makaunawa, makaabot o makadama ng katotohanan ng Diyos ay ang mismong kasarinlan ng Diyos sa Kanyang sarili. Sa katunayan, sa pagkakataong nasasabi mo na kilala mo na ang Diyos, ang talagang nakikita mo ay ang pagkilala mo lamang sa Diyos na patuloy na nagtatago at nananatiling humaharap ka lamang sa kawalan ng pag-uunawa. Hindi Diyos ng pag-uunawa o intelekto ang ganap na Kaiba na hiwalay sa daigdig. Wala Siya sa anuman: isang Das Nichts sa atin .

Sa paglalahad ng mistulang pagkakapareha sa istruktura ng pag-uunawa ni Heidegger kay Eckhart, nagiging maliwanag ang buong proyekyo ni Heidegger. Mahalaga ito sapagkat pinapakita lamang ni Heidegger na ang landas tungo sa pag-iisip sa katotohanan ay maaaring masumpungan labas sa usapin ng nakagawiang pamimilosopiya. Hindi natakot si Heidegger na mangahas pumasok sa mga paksang masasabing iba sa pagiging rasyonal gaya ng mystisismo. Ngunit nakakakita si Heidegger ng liwanag sa mga ito bilang posibleng pagtutuklas din sa katotohanang posibleng makapagpapalawak at magpapabuo ng pag-uunawa sa lahat-lahat. Sa gitna ng pagiging kontrobersyal na pigura ni  Heidegger at ang mga makataling malalagim na akusasyon sa kanya ng kasaysayan, hindi maipagkakaila na ginising niya tayo sa kakitiran ng ating pag-uunawa sa katalagahan at kayabangan ng ating pagtitiwala sa sariling kakayahan.

Ang Pangangailangan Ng Lundag (Satz)

Dumarating sa punto na kailangan nating kilalanin na humihingi ang itineraryo ng pag-iisip ni Heidegger ng isang uring lundag mula sa nakasanayang pamamaraan ng pag-uunawa at pamimilosopiya tungo sa isang kalagayan na ang istruktura ay mukhang naipakikilala ang katulad na landas ng mga mystiko at maging para kay Heidegger ng mga poetiko . Upang makamit ang pag-iisip, hinahamontayong ilagay ang ating mga sarili sa isang atitud na hindi na tayo ang tagabigay katwiran at konseptwal na pagkilala sa lahat, bagkus nagsisilbi na lamang tayong mga "lugar" na pinangyayarihan ng paglalantad at pagkukubli ng kasaysayan at panahon. Ang katotohanan ng Sein at ang pagdanas nito ang mahalaga at sinauna pa sa gawain ng intelekto na bigyan ng espesyal na pagkupkop at pag-iintindi ang mga bagay lamang.

Naging masusi si Heidegger sa pagpuna na kaya nahulog na lamang ang tao sa pag-iintindi sa mga bagay/ Seiendes na siyang naging daan tungo sa pagbibigay diin na lamang ng tao sa teknolohiya at sa araw-araw na pagsusumikap ng pag-iral ng tao sa daigdig ay sapagkat marahas na ibinibigay ng tao mismo sa kanyang sarili ang kapangyarihan na palaging maghain ng sapat na dahilan at katwiran ang tao sa lahat ng pangyayari sa daigdig . Itong batas na ito ang nagbibigay saysay sa pag-iral: na kailangang malapatan ng kaukulang dahilan ng tao ang lahat ng bagay. Lahat ay naisapailalim na sa pag-iintindi at paghuhusga ng tao.

Pinapakita ni Caputo na ang ganitong uri ng batas na matahimik na gumapi sa pag-uunawa ng tao ay mariing pinuna ni Heidegger. Wala ng iba pang pagpapahayag ng ideyang ito ang mas aakma pa upang ipakita ang ganitong atitud ng tao kaysa sa sinabi ni Leibniz na "Walang anuman na walang dahilan o batayan." . Ito ang para kay Heidegger ang isang prinsipyo na sumasalamin sa mismong kinahahantungan ng buong kanlurang pag-uunawa. Ganito ang naging paraan ng pagpapahayag ng Sein sa kanlurang intelekto. Ngunit sinasabi ni Heidegger na ang mismong prinsipyong ito ni Leibniz ay walang maipapakitang konkreto at matibay na batayan (maliban sa ito ang kapangyarihan na gustong ilapat ng tao sa katalagahan) sapagkat maaari kong tanungin sa hindi mabibilang na paraan kung ano ang batayan ng mismong batayan na siyang pinagbatayan ng prinsipyong ito. Para kay Heidegger, naiipit na ang pag-uunawa ng tao sa ganitong kalagayan na kailangang magluwal ang tao ng dahilan sa lahat. Naging malabis na ang tao sa pag-aakalang siya na ang bukal ng lahat ng dahilan sa daigdig. Hindi na niya nakita ang katalagahan ng kanyang kawalang kaalaman. Wala na yatang pangyayari na matutuklasan niya na napakatiting niya lamang para lapatan ng pag-uunawa ang lahat.

Sinasabi ni Caputo na labas ang pag-iisip ni Heidegger sa batayang pinatitibay ng prinsipyo ni Leibniz. Ang dahilan ay sapagkat para kay Heidegger, hindi ito ang mas sinaunang paniniwala na nararapat panghawakan ng tao at kaya nararapat na tumingin sa ibang katalagahan na maaaring magpamulat sa atin ng tamang direksyon. Sa puntong ito ay mas inapirma ni Heidegger ang katalasan ng pag-iisip ng mga mystiko na kung titingnan ay lumalabag na sa mismong lohika at pangangatwiran ng prinsipyo ni Leibniz . Isang tahasang paglundag tungo sa isang katalagahan na hindi na masasakop ng prinsipyo ng pagbibigay dahilan ang itinapat ni Heidegger kay Leibniz. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng pahayag ni Eckhart na "ohne warum" o "walang bakit" na isinatula ng isang mystikong poetiko na si Angelus Silesius:

Walang bakit ang rosas; namumukadkad ito dahil sa kanyang pamumukadkad
Wala itong pag-aabala sa sarili; ni pakialam kung ito ay nasusumpungan .

May ilang paglilinaw ang nais bigyan diin ni Caputo upang maunawaan na para kay Heidegger ang Denken ay makakamit lamang sa pamamagitan ng isang lundag sa kalagayan na tumitigil na ang tao sa pagtingin sa lahat ng bagay bilang mga obheto ng kanyang pag-uunawa.

Binibigyan niya ng kalayaan ang lahat ng bagay maging ang kanyang sarili na sinaunang tumirik sa daigdig sa kanilang sarili bilang mga bagay na tumutubo sa kanilang sarili . Una, malinaw na maaaring humingi ng karampatang rason at sagot sa "bakit" para sa rosas, ngunit kailanman hindi mahihingi ng rosas ito para sa kanyang sarili. Bagaman kinikilala na may batayan ang rosas, hindi nito inaalala, pinagkakaabalahan o tinatanong man lamang ito . Kaiba ang tao sa rosas sapagkat hindi siya mapakali at kailangan niya palaging mahanapan ng katwiran ang lahat ng bagay at nagiging responsable siya sa hinihinging rason ng sarili at ng kapwa niya.

Pangalawa, para kay Heidegger maaaring makita na hindi lang ang rosas o kahit anumang bagay ang tumatayo sa kanilang sarili kung hindi posible rin na ang tao ay lumabas sa isang makapangyarihan at arbitraryong posisyon bilang tagapataw ng pag-uunawa at kumilos sa atitud na gaya ng rosas na basta tumatayo rin at tumutubo sa paraang ang mga batayan ng pag-iral ay hinahayaan niyang basta mangyari .Lahat maging ang tao ay hindi nakailangang tumayo sa harap ng isang suheto, bagkus umiral na lamang sa kanilang sarili.

At panghuli, ipinapakita at inaanyayahan tayo ni Heidegger sa  mga maaaring lundag na tatahakin natin labas sa pilosopiya upang marating natin ang isang katalagahan na hindi kinikilala ang impluwensiya ng prinsipyo ng pagbibigay dahilan at batayan, hindi dahil sa pagwawalang bahala sa mga ito kung hindi gaya ng rosas na hinahayaan itong manahan at tumayo sa sarili at hindi na isang bagay na dapat panghawakan ng pag-uunawa.  Sa mga pagmumuni na nailahad, hindi mahirap makita na maging sa pag-iisip o Denken, ganito rin ang hinihingi ng Sein: ang hayaan ito sa kanyang sarili. Maging ang Sein ay walang "bakit" at kumakawala sa mga representasyonal na pagpapahalaga ng intelekto.

Kinikilala ni Heidegger ang Sein bilang ang mismong batayan, ngunit isang batayan na hindi maikukulong at maiuuwi sa intelekto. Bagkus patuloy itong nagpapahayag ng sarili sa kasaysayan ng daigdig. Ang Sein bilang Abgrund: ang hindi mahahawakan na batayan. Isa itong kawalan ngunit hindi sa punto ng pagkukulang bagkus bilang Abgrund: ang hindi masakop na batayan at hindi mabigyang ngalan na pinagbubukalan ng katalagahan ng lahat. Matindi ang paghahayag ng Sein at tanging sa pamamagitan ng paglundag ko mararanasan ang kayamanan ng kanyang kawalan.

Pagkakaiba Pa Rin Ng Karanasan ng Pag-iisip At Mystisismo

Sa katapusan ay inilalahad ni Caputo na bagaman kumbinsido   siya sa natatanging pagkakaisa ng istruktura ng pag-uunawa at ng elementong napapaloob sa pag-iisip nila Heidegger at Eckhart, isang akmang kilos pa rin ang ginagawa niya na tahasang iniwasan ang patibong na mapaniwala na iisa lamang ang kanilang ninanais maratnan. Oo nga at ang mga elementong mystikal sa pag-iisip ni Heidegger ang mga naging pangunahing laman ng kanyang obra maestra, ngunit hindi awtomatiko ang pagyakap niya sa proyektong mystikal. Isang malinaw na pagkakaiba ay para kay Heidegger, ang pag-iisip ay maaaring maganap lamang sa mismong katalagahan ng panahon at wika . Ang karanasan ng Sein ay isang karanasan sa kasaysayan at hindi labas dito sapagkat ang buong pagpapahayag ng Ereignis ay makikilala lamang sa maaaring maipahintulot nitong ilantad sa katalagahan ng ating pag-iral. Nilalayon rin ni Heidegger na sa pag-isip, nakakawala tayo sa maninipis at teknikal na wikang pinapairal ng pilosopiya at agham. Ninanais niya ang pagpapayaman ng wika at ng mga kahulugan nito upang mas maging sensitibo ang tao sa pagpapahayag ng Sein sa katalagahan. May potensyal pa ang wika lampas sa kakitiran at kanipisan ng kanyang pakakahulugan at ang pagpapayaman nito ay ang mismong kalagayan ng pagkilala at pagdanas sa pagbubukal ng Sein sa daigdig. .

Ngunit sa landas ng mystisismo, malinaw na ang katalagahan ng panahon at wika ay nilalampasan upang makarating ako sa pakikiisa sa Diyos sa kalagayan ng kawagasan at katahimikan. Ang karanasan ko sa Diyos sa ganitong konteksto ay isang pagkaputol sa mismong panahon at kasaysayan upang mailagay ako sa isang kalagayang labas sa kahit anong pagbabago upang masumpungan ang Diyos sa Kanyang purong kabanalan. Nakikiisa ako sa Diyos sa isang wagas at espesyal na ngayon na walang kinalaman sa isang kahapon at hinaharap. Dinadala ako ng Diyos sa kawagasan kung saan nakikiisa ang lahat sa Kanyang kabanalan. Hindi rin maipagkakaila na sa kawagasan, ang ganap na pagpupuri sa Diyos ay pinakamalakas na ginaganap sa katahimikan. Ang mga salita ay pawang mga makataong kasangkapan lamang na hindi makakaabot sa paglalarawan ng ganap na katalagahan ng Diyos. Sa katahimikan ko nakikilala ang ganap na paghahari ng Diyos sa aking kalooban. Walang namamagitan sa aming dalawa sa katahimikan.

Isang Dagdag Na Mukhang Hindi Matatalikuran: Mystisismong Kristiyano

Bagaman malinaw na ang mystisismo ay lumalampas sa wika, panahon at kasaysayan, hindi yata lubusang tama ang paninindigang ito kung mystisimong Kristiyano ang pag-uusapan sapagkat malinaw na nagkaroon ito ng dimensyong historiko… sa katalagahan ng hindi matatalikuran at hindi malalampasang bigat ng Inkarnasyon ni Hesus.

Malinaw na laging nakaugat sa wika, panahon at kasaysayan (kahit na nilalampasan ang mga ito) ang pinakamataas na karanasang mystiko: ang banal na dugo at katawan ni Hesus sa porma ng alak at tinapay na pinagsasaluhan ng sambayanan ng mga nananampalataya. Marahil sa nag-uumapaw na pag-ibig ng Diyos Ama sa sangkatauhan, pinaganap Niya ang mga posibilidad ng pakikiisa ng lahat sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga historikal at kongkretong paraan gaya ng mga sakramento at ang Banal na Kasulatan. Sa ganitong daan tunay na nagkakaroon ng kasaysayan ang kaligtasan tungo sa pakikiisa sa Diyos. Gumagalaw ang kilos ng pag-ibig at kaligtasan sa panahon. Ito ang paninindigang hindi maaaring talikuran.

Konklusyon

Hindi relihiyosong itineraryo ang itinatakda ni Heidegger sa pagkamit sa pag-iisip. Ngunit isang proyektong siksik din sa kayamanan ng pag-uunawa ang maaaring matutunan natin. Hindi madaling landas ang kanyang itinuturo at ito ay nangangailangan ng paghahanda ng kalooban. Pagtatalima sa pagpapahayag ng Sein sa daigdig at pagiging tapat sa talagang nangyayari ang ninanais lamang ni Heidegger sa kanyang proyekto ng pag-iisip.

Nananatiling bukas na tanong pa rin ang landas na ipinapakita sa sangkatauhan ni Heidegger. Saan ba patungo ang panahon? Mayroon ba talagang makapagsasabi? Hindi natin ito hawak at wala sa ating kakayahan ang masagot ang mga ito. Isang natatanging halaga ang inihain ni Heidegger sa kasaysayan ng pag-iisip. Ipinamumukha sa atin na hindi tayo ang sukatan ng lahat; ni hindi ang ating pagtitiwala sa kakayahan nating umunawa nasusukat ang daigdig. Higit sa atin at lampas sa anumang pagnanais natin ang sukatan ng lahat.

Mapagkumbabang inaamin ito ni Heidegger at inaanyayahan tayong kilalanin din ang mga pagpapahiwatig nito. Kahiya-hiya kung hindinatin napapansin ito dahil abala pa rin tayo sa ating sarili.

TALASANGGUNIAN

Baldwin, Robert C. at McPeek, James A.S. An Introduction to Philosophy Through Literature. New York: The Ronald Press Co., 1950.

Caputo, John D. The Mystical Element In Heidegger's Thought. New York: Fordham University Press, 1986.

Heidegger and Aquinas. New York: Fordham University Press, 1982.

Ferriols, Roque. Pambungad sa Metapisika. Quezon City: Office of Research and Publications, 1991.

Heidegger, Martin. Basic Writings. Pinamatnugutan ni David Farrel Krell. New York:HarperCollins Publishers, 1977.

Being and Time. New York: Harper and Row, 1962.. Identity and Difference. Isinalin ni Joan Stambaugh. New York: Harper and Row, 1969.

The End of Metaphysics. Isinalin ni Joan Stambaugh. New York: Harper and Row, 1973.

The Question Concerning Technology and Other Essays. Isinalin ni William Lovitt. New York: Harper and Row, 1977.

Kockelmans, Joseph J. On the Truth of Being. Bloomington: Indiana University Press, 1984.

Merton, Thomas. Thoughts in Solitude. New York: Image Books, 1968.

All Rights Reserved 2003 Pilosopo Tasyo
Updated last 08 September 2003