Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact


Salaysay, Buhay at Sarili

ni Glenda Callanta Oris
Ateneo de Manila University

Nakagawian na nating banggitin na ang buhay ay isang kuwento. Bilang isang kuwento, ang buhay ng tao ay nagsisimula sa kapanganakan at nagtatapos naman sa kamatayan, ngunit, para sa pilosopong si Paul Ricoeur, hindi dapat maging awtomatiko ang pag-uugnay ng kuwento at buhay. Ayon sa kanya, kailangang ibitin muna ang paghuhusga na ang buhay nga ay isang salaysay o kuwento at masusing siyasatin muna ang mga salik ng dalawang gawaing ito. Sa kanyang sanaysay na pinamagatang "Life: A Story in Search of a Narrator," binanggit niya na dahil sa mga kaalamang nakalap nitong mga nakaraang dekada, tila naging dayuhan ang salaysay at pananalaysay sa daloy at agos ng buhay mismo. Sa madaling salita, ang mga kaalamang ito ang nagpapaniwala sa atin na ang kuwento ay isinasalaysay at hindi isinasabuhay samantalang ang buhay naman ay isinasabuhay, hindi isinasalaysay. Sa nabanggit na sanaysay, naniniwala si Ricoeur na higit na nagiging makatao ang buhay sa tulong ng mga bungang-isip na katha (fiction), kaya't sinikap niyang suriin muli ang kaugnayan ng buhay at salaysay.

Ilalahad ng papel na ito ang mga salik ng salaysay at buhay at kung paano nauugnay ang gawain ng pamumuhay at pagsasalaysay mula sa pananaw ni Ricoeur. Nakatuon ang papel na ito sa sanaysay na nabanggit at sa dalawa pang akda ng tanyag na pilosopo. Magtatapos ang papel na ito sa pamamagitan ng paglalagom ng mga ugnayang natalakay at ilang mga pagmumuni-muni sa mga elemento ng salaysay at buhay tungo sa higit na pag-uunawa sa at pagbubuo ng sarili.

I. Mga Salik ng Salaysay

    Upang muling maitatag ang kaugnayan ng salaysay at buhay, hinihiram ni Ricoeur ang konsepto ng komposisyon ni Aristoteles sa kanyang Poetics at itinutuon ang pansin sa konsepto nito ng banghay (plot). Ayon kay Ricoeur,

For my part, from Aristotle's Poetics I retain his central concept of 'composition' [mise en intrigue], mythos in Greek, which means both 'fable' (in the sense of imaginary story) and 'plot' (in the sense of well-constructed history). This second aspect of Aristotle's mythos I will take as guide; and from this concept of 'plot' I will draw all the elements that are able to help us towards reformulation of the relation between life and narrative.

    Binibigyang-kahulugan ni Ricoeur ang banghay bilang isang sintesis ng magkakaibang mga elemento. Una, ang banghay ay sintesis ng iba't ibang mga pangyayari o tagpo na bumubuo ng isa at kumpletong kasaysayan. Mula sa ganitong pananaw, may kakayahan ang banghay na tipunin ang mga pangyayari upang makabuo ng isang maayos na kuwento. Samakatwid, ang bawat pangyayari ay hindi lamang basta nangyayari, bagkus, ang bawat pangyayari ay may iniaambag at idinurugtong sa patuloy na pag-usad ng kuwento. Ang bawat pangyayari ay sabay nagdaragdag sa simula at sa wakas ng kuwento. Sa lenteng ito, makikita na ang isang salaysay ay hindi lamang simple at/o sunud-sunod na pag-iisa-isa ng mga pangyayari kundi isang maayos na paghahabi ng mga pangyayari na humahantong sa isang mauunawaang kabuuan.

    Ikalawa, ang banghay ay sintesis ng mga sangkap ng kuwento na magkakatunggali: mga inaasahan at di-inaasahang pangyayari, mga aktibo at pasibong tauhan sa kuwento, mga alitan at pagtutulungan ng mga tauhan, mga aksidente at pinaghandaang mga tagpo, at mga pamamaraang akma at di-akma sa inaasam na katapusan. Sa pamamagitan ng pagbabanghay, natutuhog ang mga magkakatunggaling sangkap na nabanggit sa isang kabuuang mailalarawan bilang salu-salungat na pagkakatugma (discordant concord) at/o pagkakatugmang salu-salungat (concordant discord). Sa ganitong pananaw, masalimuot na gawain ang pagsunod sa takbo ng isang kuwento. Ginagabayan ito ng mga inaasahang susunod na mga tagpo o pangyayari at sabay pag-aayon ng mga ito sa patuloy ngunit baha-bahagyang paglalahad ng kuwento hanggang makarating sa katapusan.

   Ikatlo, ang banghay ay isang sintesis ng dalawang uri ng panahon na matatagpuan sa isang kuwento o salaysay. Ang unang panahon na tinutukoy ay iyong nadarama sa hindi tiyak, palaging bukás at walang pagkakatakdang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Ito ang panahong umuusad sa bawat pagtatanong ng, "Ano na ang nangyari pagkatapos? Kapagkaraka'y ano?" Ang ikalawang panahon ay iyong nakikita bilang nakatakda at ipinapahayag sa pagbubuo, paghahantong at pagtatapos ng mga pangyayari kung saan nakasalalay ang buong balangkas ng kuwento. Sa ganitong pananaw, ang salaysay ay isang gawain ng pagbibigay ng hugis o anyo (configuration) sa mga sunud-sunod na pangyayari (succession). Ang salaysay ay kakikitaan ng pagtatalaban ng panahong dumaraan, umuusad at lumilipas at panahong nananatili at nananahan. Samakatwid, mailalarawan ang salaysay bilang panahong nananatili sa gitna ng panahong lumilipas.

    Sa pamamagitan ng sumusunod na mga pangungusap, nilalagom ni Ricoeur ang takdang gawain ng banghay sa kuwento:

   From this analysis of a story as a synthesis of the dissimilar, then, we may retain three traits: the mediation between multiple incidents and the singular story accomplished in the plot; the primacy of concord over discord; finally, the struggle between succession and configuration.

    Para kay Ricoeur, ang banghay ay hindi isang nakatalagang istruktura ng kuwento kundi isang dinamikong proseso ng pagsasama-sama ng iba't ibang mga elemento na natutupad lamang sa buhay ng tumatanggap o nagbabasa ng kuwento. Ang puntong ito ay higit na tatalakayin sa susunod na seksyon ng papel na ito.

    Bukod sa konsepto ng banghay, tinatalakay rin ni Ricoeur ang likas na katangian at kakayahan ng isang mahusay na kuwento na maghayag o magpaunawa ng mga unibersal na aspeto ng buhay ng tao. Muli niyang hinihiram ang konsepto ng phronesis ni Aristoteles. Ayon kay Ricoeur, sa pamamagitan ng mga salaysay -- trahedya, epiko at komedya -- mga anyong pampanitikan na kinilala ni Aristoteles, nalilinang ang isang uri ng talino o kaalaman na matatawag na narrative intelligence. Ang talinong ito ay higit na malapit sa tinatawag na practical wisdom at moral judgment kaysa sa agham at teyoretikal na paggamit ng rason. Sa paanong paraan ito nalilinang ?

    Ayon kay Aristoteles, sa isang dako, ang etika ay tumatalakay sa relasyon ng mga birtud at ang paghangad sa kaligayahan. Sa kabilang dako, takdang-gawain ng tula (o anumang salaysay) ang maglahad sa imahinasyon ng mambabasa ng iba't ibang mga sitwasyon at mga kaakibat na kilos o tugon sa mga sitwasyong ito. Mula rito, natututunan ng mga mambabasa na pag-ugnayin ang mga sitwasyon, kilos at birtud at kung alin sa mga kombinasyon ng mga ito ang magdudulot ng kaligayahan o kalungkutan. Ang ganitong kaalamang nakukuha sa gawain ng pagtula (o pagsasalaysay) ay bahagi ng mga unibersal na inihahayag ng panitikan na tinalakay ni Aristoteles. Bagaman ang kaalaman o talinong ito ay higit na mababa kaysa sa lohikal o teoretikal na talino (theoretical intelligence), talino pa rin itong maituturing. Tinatawag itong phronetic intelligence na hindi iba sa kahulugan ng prudentia (salin ng phronesis sa Latin).

    Ayon kay Ricoeur, ang iba pang mga talinong nalilinang ng panitikan, lalo na iyong nagmumula sa maka-agham na pagsusuri ng mga salaysay (science of the narrative o narratology) ay sekundaryo at sumususo lamang sa pangunahing talino (narrative intelligence/phronetic intelligence) na umuusbong sa malikhaing imahinasyon ng mambabasa.

    Bago tuluyang harapin ni Ricoeur ang tanong tungkol sa kaugnayan ng salaysay at buhay, binibigyang-linaw rin niya ang tradisyon o kasaysayan ng gawain ng paglikha o pagsasalaysay. Para sa kanya, ang bawat salaysay ay sabay tunay na bago at orihinal na produkto at hindi bago o orihinal batay sa mga tuntunin at modelong sinusundan nito. Ang tradisyon o gawain ng paglikha ay bunga ng pagtatalaban ng dalawang puwersa: pagbabago (innovation) at pagtitining (sedimentation). Bagaman ang bawat likha ay tila pag-uulit lamang sa mga nauna, ito pa rin ay isang pag-igpaw sa mga lumang likha at limitasyon, at kung baga, nagsasalaysay pa rin ng bagong karanasan. Dahil dito, nananatiling buháy ang tradisyon ng pagsasalaysay.

II. Pamumuhay sa Salaysay

Sa pamamagitan ng kanyang mga inilahad tungkol sa gawain ng banghay at pagbabanghay, sa talinong hinuhubog ng salaysay at sa tradisyong kinauugatan at bumubuhay sa pagsasalaysay, sisikapin ni Ricoeur na muling pag-ugnayin ang salaysay at buhay.

Ayon sa kanya, ang proseso ng paglikha at pagbibigay-anyo sa mga pangyayaring nagaganap sa salaysay ay hindi nabubuo at natutupad sa loob lamang ng teksto o akda kundi nabubuo at natutupad sa imahinasyon, karanasan at buhay ng mambabasa. Dahil dito, ang akto ng pagbibigay-anyo ng mambabasa sa salaysay ang nagbibigay rin ng kakayahan sa kanya upang muling bigyang hugis at anyo ang kanyang buhay batay sa salaysay. Ang kahulugan at halaga ng isang kuwento ay nabubuo sa pagsasalikop ng mundo ng teksto at mundo ng mambabasa na nagaganap sa bawat akto ng pagbabasa. Dahil dito, ang gawain ng pagbabasa ang kritikal na sandali kung saan nakabatay ang pagsisiyasat tungkol sa kaugnayan ng salaysay at buhay. Sa sandali ng pagbabasa nagkakabisa ang kakayahan ng teksto na baguhin ang karanasan ng mambabasa.
Para kay Ricoeur, mahalagang idiin na may "mundo" ang teksto at mayroon din namang "mundo" ang mambabasa. May mga implikasyon ito. May mundo ang teksto dahil ang bawat akda ay may kakayahang magbukás o maghayag ng malawak na abot-tanaw ng mga maaari o posibleng karanasan kung saan maaaring manahan ang mambabasa. Ang akda ay hindi buo sa kanyang pagkakakulong sa sariling istruktura. Ang bawat akda ay pagtudlâ ng isang bagong uniberso na kakaiba sa unibersong ginagalawan ng mambabasa. Sa pamamagitan ng pagbabasa, nabubuksan at lumalantad ang abot-tanaw ng akda na binubuo ng mga kilos, tauhan at pangyayari ng kuwentong isinasalaysay. Sa pagbabasa, naiaangkop ng mambabasa ang mundo o abot-tanaw ng akda sa kanyang sariling mundo o abot-tanaw. Samakatwid, ang mambabasa ay sabay nananahan sa mundo ng teksto sa isang malikhaing paraan na tinutupad ng gawain ng imahinasyon, at nananahan din sa kanyang konkretong mundo. Ayon kay Gadamer (isang pilosopong hiniraman din ng mga ideya ni Ricoeur), kinakailangan ang patuloy na pagsasanib ng mga abot-tanaw (fusion of horizons) upang maunawaan ang anumang akda. Subalit, ang pagsasanib na ito ay hindi kailanman sinasadya ng mga mambabasa sa pamamaraan ng matematikal na pagtitimbang o maka-agham na paghahalo o pagkokombinasyon ng abot-tanaw.

Sa pagtalakay ni Ricoeur sa pagsasanib ng mga abot-tanaw, kumikiling siya sa pananaw na hermenyutikal. Ayon sa kanya, ang mga pagsusuri o kritisismong pampanitikan (literary criticism) na nakabatay sa pagsusuri ng teksto (text analysis) ay naninindigan sa pagpapanatili ng pagkakaiba at pagkakahiwalay ng "loob" at "labas" ng teksto. Dahil dito, iniiwasan ng kritiko na lumabas sa hangganan ng teksto. Ngunit, ayon pa rin kay Ricoeur, hindi ganito ang karanasan ng mambabasa. Ang katotohanang inilalahad ng akda ay hindi nakapaloob sa balarila, istruktura o talatinigan ng akda. Ito ang kritisismo ni Ricoeur laban sa mga linggwistiko na iniuuwi ang halaga at kahulugan ng panitikan sa mga yunit na masusuri sa loob ng teksto: mga ponema, lexema at salita, at mga kategoryang naghihiwalay sa loob at labas ng teksto.

Mula sa pananaw-hermenyutikal, ang akda ay namamagitan sa tao at mundo, sa tao at kapwa-tao, at sa tao at kanyang mismong sarili. Ang pamamagitan na nagaganap sa tao at sa mundo ay tinatawag na reference. Ang nagaganap naman sa magkakapwa-tao ay tinatawag na communication, at iyong sa pagitan ng tao at kanyang sarili ay self-understanding. Ang anumang akdang pampanitikan ay tumutupad sa tatlong gawaing nabanggit. Kaya nga't ayon kay Ricoeur, ang gawain ng hermenyutika ay lumalampas sa hangganan ng gawain ng linggwistika. Tinatalakay ng hermenyutika ang mahigpit na pagkakakabit ng panloob na kaayusan o kaanyuan ng akda at ang panlabas na pagsasaayos at muling pagbibigay-anyo sa buhay.

Kung babalikan ang unang seksyon ng papel na ito kung saan tinalakay ang iba't ibang salik sa proseso ng paglikha at pagsasalaysay, ang lahat ng ito ay paghahanda lamang sa pag-unawa sa tunay na tanong o problema, ayon kay Ricoeur. Ang tanong na ito ay hinggil sa dinamismo ng pagsasaayos at pagbabagong-anyo (transfiguration) ng akda. Paano ito nagaganap ?

Ayon kay Ricoeur, ang pagbabanghay ay magkatuwang na gawain ng akda at ng mambabasa. Kailangang "sundan at sabayan" ng mambabasa ang akda, gawing ganap ang kakayahan nitong masundan upang magkaroon ng anyo at kabuluhan ang akda na naaakma sa mga limitasyon nito. Upang masundan ang isang kuwento, kailangang isabuhay muli ang pagsasaayos at pagbibigay-anyong nagluwal sa taglay nitong anyo sa kasalukuyan. Ngunit higit pa rito ang nangyayari sa akto ng pagbabasa. Dapat alalahanin na ang akto ng pagbabasa ang sumasabay at bumubuhay sa pagtatalaban ng pagbabago at pagtitining ng akda. Ang pagbabasa rin ang nagbibigay-bisa sa akda na umigpaw o lumampas sa mga limitasyon nito bilang akda at magkaroon ng bagong anyo o porma.

Sa pamamagitan din ng pagbabasa nagiging ganap o kumpleto ang akda o salaysay na siyang magsisilbing gabay naman sa mga susunod na pagbabasa. Matapos ang pagbabasa, taglay pa rin ng akda ang kawalang-katiyakan (sa mga susunod na tagpo), nakakubling yaman ng mga kahulugan at ang kakayahan nitong mabigyang-kahulugan sa iba't ibang paraan sa loob ng laging bago at iba't ibang kontekstong historikal, kung saan nakaugat ang mambabasa.

Batay sa ganitong pag-unawa sa nangyayaring pagpapakahulugan at pagbibigay-anyo sa akda, masasabing mahigpit ang kaugnayan ng salaysay sa buhay dahil ang mismong pagbabasa ay paraan ng pamumuhay sa kathang-isip na mundo ng akda. Masasabing hindi lamang isinasalaysay ang kuwento, isinasabuhay rin ito sa imahinasyon ng mambabasa.

III. Pagsasalaysay sa Buhay
    Paano naman sasagutin ang paninindigan na ang buhay ay isinasabuhay ngunit hindi isinasalaysay ? Ayon kay Ricoeur, kailangang suriin ang kahulugan na ipinapataw natin sa buhay. Para sa kanya, ang buhay ng tao ay laging potensyal na salaysay. Mananatiling isang biyolohikal lamang na penomenon ang buhay hangga't hindi ito binibigyan ng interpretasyon. Sa pananaw na ito, salaysay ang nagbibigay-daan sa pagbibigay ng interpretasyon sa buhay. Upang linawin ang pagkakatulad ng buhay at salaysay at ang pangangailangan ng buhay na magkaroon ng anyong pasalaysay, tinatalakay ni Ricoeur ang tatlong puntong nag-uugnay sa dalawa.

    Una, ang buhay ay tulad ng salaysay sapagkat nauunawaan ng tao ang kanyang mga aksyon at pagnanasa at pangyayari sa kanyang buhay at nakakabuo siya ng maayos na kahulugan mula sa mga konsepto at pahayag na taglay ng wika. Mula sa karanasan ng makataong pagkilos at pagpapakasakit nauunawaan ng tao ang pagkakaiba ng "aksyon" sa "kilos," ang kahulugan ng "proyekto," "mithiin," at "pagkakataon." Dahil dito, nauunawaan niya ang iba't ibang mga tagpo sa kanyang buhay at bumubuo siya ng mga hakbangin tungo sa patuloy na pamumuhay. Ayon kay Ricoeur,

All such notions taken together make up the network of what could be called the semantics of action. Now, in this network, we rediscover all the components of the story which above appeared under the heading 'synthesis of the heterogeneous.' In this regard our familiarity with the conceptual network of human action is of the same order as the acquaintance we have with the plots of the stories we know; the same phronetic intelligence guides the concepts of action (and of passion) and that of the story.

Ikalawa, ang kilos sa buhay ng tao ay laging ipinapahayag sa pamamagitan ng mga simbolo na may sari-sariling gamit at kahulugan. Bago pa man mabigyan ng interpretasyon ang mga tanda at simbolo, ang mga simbolo at tanda na ang nagbibigay ng interpretasyon sa kilos. Dahil dito ang bawat kilos ng tao ay isang teksto na may mga simbolong nagbibigay-saysay sa kilos at nagbubukás sa posibilidad ng iba pang mga interpretasyon.
Ikatlo, ang buhay at mga karanasan ay laging potensiyal na salaysay (pre-narrative quality of human experience). Hindi sapat ang pagsusuri at pagpapakahulugan sa mga simbolong ginagamit sa karanasan. Sa pag-unawa sa buhay, kinakailangang kilalanin din ang istrukturang-temporal ng mga karanasan. Ayon kay Ricoeur, ang buhay ay gawain ng pagsasalaysay at paghahangad na magkaroon ng kuwento ang buhay. Dahil dito, nakaugalian na natin ang pagsasabing "kuwento ng ating buhay" o "mga kuwentong kinapapalooban natin" o "kuwentong nangyayari sa atin."

Sa puntong ito, tila nagkakaroon ng kabalintunaan sa pagsusuri ni Ricoeur. Ayon na rin sa kanya, tila paikot-ikot lamang ang pagsusuri. Kung ang bawat kilos ay naipapahayag lamang dahil sa mga simbolong may kahulugan na, ang bawat kilos ay masasabi rin na may kuwento na. Subalit, bakit pa sinasabi ni Ricoeur na ang mga karanasan sa buhay o buhay mismo ay "potensyal" lamang na kuwento o salaysay ?

Upang sagutin ito, ginagamit niyang halimbawa ang isang pasyente na sumasailalim sa sikoanalisis at ang isang pinaghihinalaang may-sala na sumasailalim sa imbestigasyon. Sa unang halimbawa, may pag-amin na may mga pira-pirasong kuwento na ang pasyente bago pa man dumaan sa pagsusuri. Maaring bahagi ng mga kuwentong ito ang mga hindi nabibigkas at ibinabaon o kinakalimutang mga kuwento sa kanyang buhay. Ang gawain ng sikoanalista sa sitwasyong ito ay tulungan ang pasyente na makapaghabi ng kuwento ng kanyang buhay na may sapat na kaayusan -- isang kuwentong kaya niyang panagutan at kuwentong bubuo sa kanyang sariling pagkakakilanlan. Ayon kay Ricoeur, batay sa halimbawang ito, patuloy na potensyal na naratibo lamang ang buhay at patuloy na isinusulat natin ang kuwento ng ating buhay dahil nais nating bigyang-linaw kung sino talaga tayo. Nililinaw natin ang mga pangyayari at tagpo sa ating buhay at gumagawa ng mga kuwento na nais natin at maari nating panagutan.

Sa ikalawang halimbawa, ang gawain ng tagapaglitis o huwes ay gabayan ang nasasakdal na ayusin ang kumplikadong mga tagpo kung saan nagkabuhul-buhol ang buhay ng nasasakdal. Ayon kay Ricoeur, bago maisalaysay ng nasasakdal ang isang maayos na kuwento, tila siya nakabaon sa samu't saring mga kuwento. Ngunit ang mga kuwentong ito ang magsisilbing lona kung saan niya ipipinta ang maayos na kuwento ng kanyang buhay na hindi lamang kakikitaan ng mga pangyayaring nangyari lamang bigla o dumating sa kanyang buhay kundi pati na ang mga pangyayaring siya ang pangunahing aktor.

Sa pamamagitan ng dalawang halimbawang ito, sinasabi ni Ricoeur na bagaman may mga kuwento nang nangyayari sa ating buhay, ninanasa pa rin ng tao na magkaroon ng higit na maayos na kuwento na maari niyang panindigan, at ang maayos na kuwentong ito ay pagpapatuloy, pagsusubaybay at pag-unawa lamang sa mga kuwentong naganap na o nagaganap na hindi pa naisasalaysay.

Samakatwid, para kay Ricoeur, ang buhay ay hindi lamang isinasabuhay. Ang buhay ng isang tao ay isang patuloy rin na pagsasalaysay o pagbubuo ng mga kuwento tungo sa higit na pag-unawa sa sarili.

IV. Mga Salik ng Buhay
    Batay sa mga naunang talakayan, malinaw na ang gawain ng pagsasalaysay ay mahalaga sa pagbubuo at pag-uunawa sa sarili. Kung tunay nga na sa isang dako, ang anumang salaysay o kuwento ay magkakaroon lamang ng kaganapan sa buhay ng mambabasa, at sa kabilang dako, mauunawaan lamang ang buhay ng tao sa pamamagitan ng mga kuwentong isinasalaysay natin tungkol dito, masasabing ang buhay na sinuri, kung hihiramin ang kasabihang nagmula kay Sokrates, ay buhay na isinalaysay.

    Anu-ano nga ba ang katangian ng buhay na isinasalaysay ? Ayon kay Ricoeur, ito ang buhay kung saan matatagpuan ang iba't ibang salik ng salaysay na natalakay na sa unahan. Ito ang pagtatalaban ng magkakasalungat at magkakatugmang mga pangyayari sa buhay. Ito rin ay nangangahulugang pamumuhay sa at pag-uugnay ng tatlong aspeto ng panahon: alaala -- ang ngayon na nakalipas (kahapon), pangarap at inaasahan -- ngayong darating pa lamang (bukas) at kamulatan -- ngayong narito. Ang buhay na ito ay patuloy na isinusulat at isinasalaysay sa isang maayos na naratibo upang patuloy na mabigyang-anyo o hugis ang suheto na walang iba kundi ang sarili.

V. Pag-unawa sa Sarili
    Sa lente ng naganap na talakayan lilinawin ni Ricoeur ang proseso ng pagbuo ng suheto -- ng sariling pagkakakilanlan batay sa mga salaysay ng buhay. Ayon kay Ricoeur, posibleng ilapat ang konsepto ng pagbabago at pagtitining sa tradisyon ng paglikha sa buhay mismo. Mula sa mga kuwentong nagpasalin-salin na mula sa ating mga ninuno patungo sa iba't ibang mga panahon, nagkakaroon tayo ng pagkilala sa ating mga pinagmulan na makatutulong sa pag-unawa sa kung sino tayo ngayon. Kasabay nito, ang pagbabago rin sa mga panahong ating ginagalawan ang nagbubukas sa posibilidad ng iba't ibang pagtingin at pag-unawa sa sarili at kulturang ipinamana ng mga naunang henerasyon. Sa ganitong pananaw, sinasabi ni Ricoeur na kung ilalapat ang mga salik ng salaysay sa buhay, mapapansin na nagiging tagapagsalaysay lamang tayo ng ating sariling kuwento ngunit hindi tayo ang may-akda. Ito ang pagkakaiba ng salaysay ng panitikan at ng salaysay ng ating buhay o ang pagkakaiba ng tunay na buhay at kathang-isip. Sa panitikan, ang tagapagsalaysay ang siya ring may-akda at may "hawak" sa kuwento. Kung sa ganitong paraan uunawain ang sitwasyon ng buhay at salaysay, maaring tanggapin ang panimulang paninindigan na ang salaysay ay hindi binubuhay at ang buhay ay hindi isinasalaysay. Ngunit, lumalabo ang pagkakahiwalay at pagkakaibang ito dahil sa patuloy na paglinang natin sa ating kakayahan na bigyang-kahulugan (batay sa kultura at tradisyon) ang mga kuwentong nagaganap sa ating buhay at bigyan ng karampatang katangian ang mga ito bilang mga kuwentong nilikha, binigyang-anyo natin at handa nating panagutan, na hindi iba sa gawain ng pagbubuo ng suheto. Kaya nga't ang suheto ay hindi isang "nariyan na" sa simula't simula pa lamang. Ang suheto, ang sarili ay binubuo mula sa mga simbolo ng partikular na kultura na nakapaloob sa mga kuwentong-bayan ngunit patuloy pa ring hinuhubog ng mga kuwentong nililikha ng umuusad na buhay at tradisyon. Sa madaling-salita, palaging naroon ang pagpupunyagi na maging may-akda ng ating mga kuwentong-buhay at mahawakan nang lubusan ang sarili.

VI. Sa huli : Salaysay, Buhay at Sarili
    Ang buhay ay patuloy na pagsasalin ng ating sarili sa pamamagitan ng mga kuwentong ating binubuo at isinasalaysay. Nililikha natin ang mga mito ng ating buhay, tinatagni-tagni ang mga tagpo, mukha at lunan na waring nakasabog sa ating alaala. Tinatahi natin ang mga karanasan upang makalikha ng mantel kung saan maaaninagan natin ang ating buhay at sarili.

    Ang buhay mismo ang nagtatakda ng mga elemento ng salaysay -- ang mga tiyak at binigay bilang mga nariyan na ay nariyan na nga at hindi mababago. Sa salaysay ng buhay, maraming mga tao ang nagmimistulang may-akda kung kaya masasabing buhay mismo ang nagbibigay-buhay sa salaysay. Sa kabilang dako, ang salaysay na hinahabi ng bawat isa sa atin tungkol sa ating kani-kaniyang buhay ang nagsisilbing tanglaw at gabay rin sa ating buhay. Sa lenteng ito, masasabing ang mga kuwentong nahabi na (tulad ng mga panimula at unang kabanata ng isang nobela) ang nagbibigay ng kwadro o balangkas kung paano natin bubuhayin ang ating buhay at ipagpapatuloy ang gawain ng pagsasalaysay.

    Anu-ano ba ang mga salaysay ng ating buhay at bakit natin binabalikan ang mga ito ? Ang kuwento ng ating kabataan, paglaki, pagbibinata at pagdadalaga ay paulit-ulit nating binabalik-balikan upang kahimanawari ay mabigyang-pag-asa tayo na kung anuman ang pilit nating nilalampasan ngayon ay malalampasan din natin tulad ng mga unang hakbang, unang galos, unang alitan, unang kasawian sa pag-ibig at unang pagkawalay sa mga magulang. Sa mga panahon ng kawalan ng loob, ang ating mga tinipong mito ang muling magsasalaysay ng nalimutang katatagan at katapangang ipinamalas natin sa mga unang pahina ng aklat ng ating kasaysayan.

    Tulad ng paulit-ulit nating pagbabasa ng mga naninilaw na liham ng kasintahan na maaaring ngayo'y limot na, o mga liham ng pag-aarugang ipinahiwatig sa kasibulan ng isang pagkakaibigan, o muling paghagikgik o pagluha sa mga litratong masining man o hindi, binubuklat natin ang mga salaysay nating nauna upang umusad ang buhay. Bukod pa rito, ang mga pangarap natin na pinipinta sa lona ng ating guniguni, ang mga ninanasa nating katapusan sa nobela ng ating buhay (o kaya'y mga susunod na tagpo o mga lilitaw na tauhan o karakter sa dula ng buhay) ang nagsisilbing inspirasyon sa patuloy nating pagbubuo at paghawak sa sarili. Ang mga pangarap na nagpapausad sa ating buhay ay hindi lamang mga lumilipad na larawan at tagpo. Ang mga ito'y nasa anyo rin ng salaysay.

    Kaya't batay sa talakayang hiniram ng may-akda kay Ricoeur at sa sariling pagmumuni-muni, masasabi na sa pagbubuo ng sarili, isinasalaysay natin ang ating buhay at binubuhay rin naman tayo ng ating mga salaysay.

Talasanggunian

Ricoeur, Paul. A Ricoeur Reader: Reflection and Imagination. Pinatnugutan ni Mario J. Valdés. New York: Harvester Wheatsheaf, 1991.
________. Fallible Man. Isinalin ni Charles A. Kelbley at Pambungad ni Walter J. Lowe.     New York: Fordham University Press, 1986.
________. Freedom and Nature: The Voluntary and The Involuntary. Isinalin at Pambungad ni Erazim V. Kohák. Evanston, Illinois: Northwestern University Press, 1966.
________. Freud and Philosophy. Isinalin ni Denis Savage. New Haven: Yale University Press, 1970.
________. From Text to Action: Essays in Hermeneutics II. Isinalin ni Kathleen Blamey and John B. Thompson. Evanston, Illinois: New York University Press, 1991.
________. The Conflict of Interpretations: Essays in Hermeneutics. Pinamatnugot ni Don Ihde. Evanston, Illinois: Northwestern University Press, 1974.
________. The Rule of the Metaphor (Multi-disciplinary studies of the creation of meaning in language). Isinalin nina Robert Czerney, Kathleen McLaughlin at John Costello, S.J. Toronto: University of Toronto Press, 1977.
________. The Symbolism of Evil. Isinalin ni Emerson Buchanan. Boston: Beacon Press, 1969.
________. Time and Narrative. Vol. 1 Isinalin nina Kathleen McLaughlin at David Pellauer. Chicago: The University of Chicago Press, 1984.
________. Time and Narrative. Vol.2 Isinalin nina Kathleen McLaughlin at David Pellauer. Chicago: The University of Chicago Press, 1985.
Gadamer, Hans-Georg. Truth and Method. Isinalin nina Joel Weinsheimer at Donald G. Marshall. New York: The Continuum Publishing Company, 1994.

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

All Rights Reserved 2003 © Pilosopo Tasyo
Updated last 08 September 2003