Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

EX ORDINE AT MISMONG MERON
Hango mula sa mga nota sa klase ni Fr. Roque J. Ferriols, SJ
Bong S. Eliab
Dibisyon ng Pilosopiya
Pamantasan ng Ateneo de Davao

Ang Maayos

May mga panahon na nakikita natin ang pagkamaayos sa ating paligid. Mababakasan itong pagmumulat natin sa maayos sa mga salitang: "Maayos ang ginawa mong papel" o "maayos ang buhok ni Laarni." Nagpapakita ang maayos bilang kahanga-hanga at maganda. May mga sandali ring nakikita natin ang pagkamaayos bilang paghanga sa kakayahan ng tao sa pakikipag-ugnayan at pakikibagay: "ayos ka talaga, pare." Ngunit hindi nito ibig sabihin na "ayos ka talaga" kapag marunong kang makibagay sa akin, kundi isang malalim na pagkaunawa sa tao na nakikita nilang may kaayusan sa pagitan ng tao sa tao na dapat galangin.

Kaya ang pagbigkas ng maayos, pagkilala at pag-amin sa maayos. Araw-araw mababakasan natin sa ating malay-tao ang ating pagkamulat sa kaayusan. Kaya mapanatag ang ating loob na umakyat sa hagdanan ng ating tahanan sapagkat mulat tayo na may pagkamaayos ang ating tahanan. Hindi kailangan mabagabag. Mulat tayong mapanatag at mapayapa tayo sapagkat walang sakit ang ating katawan. Maayos ang ating katawan. Ngunit minsan, nababakasan din natin ang kaayusan na lampas sa katawan. May maayos na katawan ang taong may maayos na sarili. Kapag maraming problema ang sarili, unti-unti ring hindi naging maayos ang katawan. Kapag nasisiraan ng loob ang tao, maari ring masira ang kanyang katawan.

Pagtataka Ukol sa Kaayusan

Noong natuto akong magbasa ng orasan, binigyan ako ng isang relos ng tatay ko. Sabi niya, "bigay ito ng matalik kong kaibigang Malay habang nag-aaral kami ng lingwistika sa isang bayan ng Singapore." Iyon ay naging alaala ng tatay ko sa akin, alaala ng kaibigan niya sa kanya -- may nangyayari ring kaayusan sa pagitan ng tao-sa-tao, at madalas may mga bagay na nagpapaala-ala sa ibang klaseng kaayusang nalikha at nililikha sa daloy ng taon.

Noong kuwan, pinagtakhan ko ang relos. Alam kong merong kaayusan na nangyayari sa relos, ngunit hindi ko alam kung ano at paano. Alam kung meron. Hindi ko alam kung ano. Nararanasan ko sa musmos kong isip ang sinaunang pagmumulat sa kaayusan. Naaninagan ang pagkamaayos ng relos … ngunit nagtataka pa rin kung anong klaseng kaayusan, paano umiikot ng maayos: na ang isang ikot ng maliit na kamay, isang pitik sa mahabang kamay; isang ikot naman ng mahabang kamay ay isang oras. Dala ng matinding pagnanais malaman ang kaayusan naroroon na, ang kaayusang hindi ko pa rin masakyan-sakyan, binuksan ko isang araw ang relos. Mula noon, hindi na umandar ang relos. Pinagalitan ako ng tatay. May nasirang kaayusan.

Kaayusang Nararanasan

Isa pang landas na maaring pagmunihan mula sa pamimilosopiya ni Sto. Tomas de Aquino, ang landas ng ex ordine.1 Ito ang isang malalim na pagmumuni-muni at pagmumulat sa meron bilang maayos. Mula dito, maaring mamulat tayo sa liwanag ng matinong pag-uunawang laging kumakagat sa meron, na ang pag-uunawa at pagkilala ng pagkamaayos na ating nararanasan araw-araw. Na ang mismong pagdanas sa kaayusan, isang pagdanas sa presensiya ng Maykapal2 na taga-ayos ng lahat.

Meron tayong kakayahang matauhan sa kaayusan na nangyayari sa lahat na nagmemeron. Paksa3 ang kaayusan na nagpapakita sa iba't ibang paraan, ngunit isa lamang ang pinapahiwatig: merong isang kaayusan na tumatalab sa lahat, at ang kaayusan na naroroon sa lahat. Mas maganda yatang tawagin natin sa katagang sangkaayusan: isang kaayusan na naroroon sa lahat. May nababakasang kaayusan na hindi lubusang nauunawaan. Kahit hindi natin alam o lubusang malaman, alam pa rin nating meron. Halimbawa sa nagpapakitang kaayusang katutubo ay kaayusang nasa daigdig: taglagas, tag-init, taglamig, tag-ulan. Ang kaayusang sinusunod ng mga planeta habang umiikot sa araw, atbp.

Maayos na tumutubo ang tanim, maayos na umaalon ang dagat, maayos na pumapatak ang ulan, maayos na lumilipad ang dahon patungo sa lupa. Mararanasan natin na merong sinaunang kaayusan, isang kaayusang nakatago sa kalikasan. Minsan itong nakatagong kaayusan ay madalas nararanasan sa paraan na may anyong nagkakasalungatan, ngunit nandodoon pa rin ang kaayusan. Nakatago, at minsan nagpapakita at nagpapahiwatig na hindi palaging masinop ngunit hindi kailanman malalaman ng tao ang buod ng kaayusan ito. Pero, nakukuha at nasasakyan rin minsan ng tao, umaapaw at kanyang nauunawaan itong pag-apaw ng kaayusan.

Hindi ang matematikong kaayusan o siyentipikong kaayusan ang tinutukoy dito. Bago pa natuklasan ng matematika o ng agham, nandoroon na ang kaayusan, gagamitin natin ang salitang Latin: ordo4   upang ipahiwatig ang kaayusang likas na andodoon na, meron na, na hindi inimbento o nilikha ng tao. Bago pa gumawa ang tao ng maka-tulang larawan, o maka-matematikong teorya, o pilosopikong abot-tanaw ukol sa sanglibutan, meron nang pagmumulat ang tao sa sanglibutan bilang maayos. Makikita natin itong pagmumulat na ito sa kanyang pagtataka, sa pagtatanong, at paghahanap ng kaayusan. Alam niyang merong kaayusan, ngunit sabay hindi niya alam kung ano itong kaayusang ito. Kaya tuluyan siyang naghahagilap at nagtatanong, walang hanggang pagtatanong. Sa kanyang kaloob-looban, alam niyang meron kaya hinahanap niya.

Nagmumula ang kaayusang ito sa isang pag-uunawa na: maayos kaya meron, maayos kaya nangyayari. Alam nating pag wala, walang kaayusan, at walang wala talaga. Hindi ito ang tinutukoy ni John Wisdom5 na kaayusan na nagmumula sa isang maka-agham at maka-matematikong kaayusan. Ang ganoong kaayusan ay hindi inaamin ang kaayusang lampas sa instrumento ng agham at sistema ng matematika na merong malinaw at tumpak na mga konsepto.

Kuwentuhan at iba pa

Halimbawa ng kaayusang hindi nakabatay sa maka-sistemang malinaw at tumpak: ang palengke ng Bangkerohan. Merong nagtitinda ng bagoong dito, tinapa doon, sibuyas diyan, kamatis sa malayo pa doon. Nagsisigawan, naghihiyawan, minsan nagkakatuwaan pa kung sino ang malakas. Marami yatang gustong bumili. Sa isang nag-iisip sa idea clara et distincta,6 makikita niya ito bilang magulo. Ngunit, maayos na maayos, nangyayari sapagkat maayos. Nagkakaintindihan ang bumibili at nagtitinda, nagtatawaran, nag-aangkopan, nakikibagay, alisto, atbp. Samakatuwid, nagkakaunawaan, maayos. Kahit ang "dating" ng palengke ay hindi maayos, may pagkamaayos sa hindi "pagkamaayos" kaya nangyayari.

Kaayusang nagpapakita bilang di-maayos

Minsan, merong sikoanalistang dalubhasa sa Ateneo, si Padre X. Kilala siya sa hipnotismo at mga karanasang lampas sa makataong larangan (duwende, aswang, tiyanak). Ayon sa kaibigan kong pari, pag pumasok daw siya sa kuwarto at opisina ni Padre X, magulo, maraming kalat, papel dito, libro doon, may mga kung anu-anong mga nakakatakot na hindi lubusang maunawaang mga larawan sa dingding. Noong kuwan, tinanong niya si Padre X kung saan ang ganitong libro na kailangan niyang hiramin. Tumayo lang daw siya at mula sa isang sulok, kinuha ang libro, pinagpag, at ibinigay sa kanya. Maayos ang kuwarto ni Padre X, kahit parang "hindi maayos", sapagkat alam niya kung saan ang kanyang mga gamit sa loob ng kuwarto. Maayos na maayos, sapagkat mulat siya kung saan nakalagay ang bawat isang kuwan sa opisina niya.

Kaayusang Hindi Masakyan-sakyan: Agaw-dilim

Minsan ang pagsasabing "magulo" at "hindi maayos" ay hindi talaga magulo ang ating tinutukoy. Ang ibig nating sabihin, hindi ko nauunawaan kaya sinasabi kong magulo, o hindi ko nasasakyan ang kaayusan kaya sinasabi kong magulo. Sa totoo lamang, hindi magulo, maayos na maayos, kaya nangyayari. Hindi ko lamang lubusang nauunawaan at nasasabayan ang nagpapakitang kaayusan. Kadalasan, hindi ako alisto sa kaayusang katutubo na nasa meron. Kaya, hindi batayan ang aking pag-uunawa kung ano ang kaayusan, sapagkat kadalasan ang kaayusang ito ay lampas sa aking pag-uunawa, at baka lapastanganin ko pa ang kaayusang nagpapakita sa pagsasabing "magulo, at walang kaayusan sa daigdig" sapagkat hindi ko kayang maunawaan.

Kahit hindi kayang maunawaan ng tao ang buong sangkaayusan, meron pa rin siyang sinaunang pagmumulat sa kaayusan na nasa meron. Ang pag-aaninag sa kaayusang ito, ay hindi ayon sa mga kaso ng istadistika o sa pagkamasinop ng lohika (hal. hardin ni John Wisdom) kundi nasa buod mismo ng pagsisikap ng taong matauhan sa kaayusang tumatalab at nagpapatalab sa kanyang pag-uunawa. Panatag ang pagtanggap ng tao sa kaayusang tumatalab sa kanya, na bahagi rin ng kaayusang ito na kahimanwari unawain ng tao itong nagpapakitang kaayusan. Tao lamang ang mulat at nakakaunawa sa kaayusang nararanasan ng lahat. Ngunit isang pag-uunawa na mapakumbaba dahil ang kaayusang kanyang nasasakyan, nakukuha at nauunawaan, kaayusang hindi pa sapat, ngunit alam niyang meron pa ring kaayusan kahit hindi sapat ang kanyang alam. Alam-di-alam, kaayusan bilang isang tanong pa rin sa tao. Isang hiwaga itong hiwagang bumabalot sa pagmemeron ng tao, at nasa loob at bahagi ang tao ng kaayusang ito.

Kaayusang Pisikal at Moral

Maaring ipahiwatig ang kaayusang pisikal sa praseng "may lugar ang bawat isa". May hangganan at limitado ang kaayusang maka-lupa sapagkat kaayusang nasa loob ng saan at kailan. Ibig sabihin na ang limitadong kaayusan ay may pagkakailangang ayusin, buoin pa. Tawag sa tao, palibhasa tao ang nakakaunawa ng karupukang ito, na ayusin, pabutihin pa, ang kaayusang kanyang nararanasan.

Laganap ang kaayusan na nakabatay sa "relos ni Newton" at kay Euklides. Tinitingnan lamang ng ganitong kaayusan ang nasa larangan ng matematika, ang larangan ng masusukat. Ngunit ang buong karanasan ay: na may mga masusukat at may hindi masusukat. Kahit na ang mga bagay na hindi masusukat ay may pagkamaayos pa rin. Kaya dapat manindigan ngayon pa lamang na isang pagpapakitid sa kahulugan ng kaayusan ang pagsasabing ang kaayusan ay nakabatay sa konsepto ni Newton at Euklides.

Kaayusang Maka-agham7

Laganap rin ang kaayusan na nakabatay sa agham. Merong kaayusang natutuklasan ng agham sa pamamagitan ng mga siyentipikong instrumento nito. Maging mulat tayo sapagkat nakabatay pa rin ito sa matematika, mga sinukat na data na "ibinigay" ng kalikasan, ng meron. (data, salitang Latin na ang ibig sabihin: `ang ibinibigay' o `ang ipinapabasa') Sa madali't sabi, "ayon sa napagmasdan". Tandaan ang mga katagang iyan. Ngunit may pagka-delikado ang paggalaw sa maka-agham na kaayusang ito, sapagkat hindi nakikita ng instrumento at aparato ng agham ang buong kaayusan, laging ayon lamang sa "ibinigay" o "ipinapabasa". Laging nanatili ang agham sa kaayusang pisikal na maaring pagmasdan at basahin ng mga aparato.

Ngunit ang kaayusang pisikal ay bahagi lamang ng kabuoang kaayusan. Kahit na ang kaayusan ng agham, bahagi at sakop ng kabuoang kaayusang ito na siyang nag-uugnay sa lahat. Kaya humantong tayo sa isang pagmumulat na merong isang kaayusang sumasakop at sumasaklaw sa lahat na kaayusan na merong iba ibang sistema, axioma, at sukat. Na sa bawat kilos, kailangan ang pagka-alisto na merong kaayusang nandodoon na baka makaligtaang aminin at angkinin. Habang ang isang tao na gumagalaw sa loob ng kaayusang maka-agham, halimbawa ang siyentista, gumagalaw rin siya sa meron, sa kaayusan ng buong sangkameronan. Kaya kahit nasa loob ng kaayusang agham, kailangan mulat na sabay gumagalaw rin siya sa larangan ng moralidad. Kailangang may paggamit ng agham na may responsibilidad sa lahat, sa buong sangkaayusan, bahagi na doon ang kapuwa tao.

Nagtutuklas ang siyestista ng kaayusang atomo, mga kaayusang pisika . . . at nakahantong halimbawa sa pagtuklas ng kakayahan at malakas na enerhya mula sa atomo (enerhiyang atomiko), na bahagi na ng kaayusan ng mga atomo ang magkaroon ng enerhya. Ngunit kahit nasa loob ang siyentista ng kaayusan ng agham, kaya pa rin niyang mamulatan na merong kaayusang lampas pa sa kanyang natuklasang kaayusan. Samakatuwid kailangan ang pag-iingat sa paggamit ng agham. Hinihingi na tingnan ang paggamit nito sa maka-etikang pananaw, na merong tawag ng moralidad, tawag ng kabutihan. Kayang makita ng tao (hindi ng agham) na nakakasira sa kapuwa, sa sarili, sa buhay ang bomba atomika. At kapag may kasamaang mangyari, sangkot ang lahat, ang buong sangkaayusan. Ang bawat gawaing tao ay laging gumagalaw sa larangan ng buong sangkaayusan. Kailangang bigyang pansin na habang gumagalaw ako sa larangan ng pisikal na kaayusan, may nakasangkot na moral na kaayusan: sangkot lagi ang buong sangkaayusan sa bawat nangyayari, aminin ko man o hindi.

Kaya ang pisikal na kaayusan at kaayusang moral, iba sa bawat isa ngunit hindi mahihiwalay, sapagkat kasangkot sa bawat pisikal na pagkilos ng tao ang tawag ng moralidad at kabutihan. Moral na kaayusan ang nasa larangan ng pagkamaayos sa pagitan ng tao sa tao. Samakatuwid ang buong sangkaayusan, aminin man ng tao o hindi, laging natatablan ng bawat pagpapasya at gawain ng tao sapagkat nasa loob at bahagi ang tao ng kaayusang ito.

Moralidad: Kaayusan sa Pagitan ng Tao

Kapag pinag-usapan ang mabuti, may nakikita rin ang tao na kaayusan kung ano ang mabuti sa pagitan ng mga tao, sa ugnayan ng mga tao. Hindi lamang ang mabuti "para sa akin", kaya rin ng bawat isa na makita ang talagang mabuti kung bukas ang isip sa kabutihan. Ang taong bukas sa meron, laging nakakaunawa ng mabuti at dapat sa meron. Alam niya. Ngunit laging bigyan ng puwang lagi ang di-pa-alam. Kaya nga "Hindi ko alam lahat, ngunit alam kong hindi dapat magsinungalin." O "hindi ko alam ang pamamahala sa gobyerno, ngunit alam kung hindi mabuti ang mangurakot."

Mabuti: alam-di-alam

Mahalagang mamulat ang mambabasa na ang kaayusang moral ay hindi isang malinaw na pormula na "ito ang mabuti, kaya lahat na mula dito ay mabuti." Iyan ay pagpapataw sa halip na tulungan tayong makita ang mabuti. Noong makita ako ng isang doktor, sinabi niya na "mabuti ang kumain nang kumain upang lumaki ka." Ngunit kung gagawin ko itong pormula, hindi na ako mag-iisip pa at tanggapin ang kanyang sinabi: "Ah, mabuti pala ang kumain nang kumain." At kapag nakapormula, maaring gamitin ito sa iba't ibang kaso, kahit saan, kahit kailan na "mabuti ang kumain." Ganyan ang otomatik na pag-iisip, na hindi naman talaga pag-iisip. Sa isang taong alisto makikita niyang ang ganyang pag-iisip ay mahina sapagkat hindi alisto sa pangyayari, sa meron … "masama ang kumain sa isang kaoopera lamang ang bituka."

Kaya, oo nga, mabuti ang kumain, ngunit maging alisto. Kaya hinihingi ko sa mambabasa ang ganitong uring atitud na habang nakikita natin ang mabuti, oo nga, tunay na mabuti, ngunit kailangan mag-isip pa rin at maging alisto. Hindi ito lugar na kapag nakita na natin ang mabuti, ito na talaga at tiyak na tayong ito ang mabuti. Kailangan ang isang atitud na alam-sabay-di-alam.

Ang Dapat at Mabuti: Tawag

Ito yata ang misteryo ng kabutihan na gumagalaw sa tao sa bawat kanyang kilos, may kaayusang likas at katutubo nandodoon na hindi nilikha ng tao. May dapat na naroroon na sa bawat pangyayari, kailangan lamang maging alisto ang tao na hanapin ito at unawain, galangin.

Ngunit may mga taong hindi nila naaninagan itong ex ordine bilang paksa na naroon sa lahat, halimbawa sa mga nagsasabing: "walang kaayusan ang mundo dahil masama". Ngunit may kabutihang nangyayari, pero maaring hindi ko lamang nakikita, o kaya sapagkat meron akong katamarang gumawa ng mabuti, o kasipagan sa paggawa ng masama. Kahit katiting na kabutihan, may pagka-kailangan pa ring gawin. At ninanais ng tao ang kabutihan, nababagabag naman siya kapag hindi niya ito natutupad.

Sa bawat sandali ng pagmemeron ng tao, nakikita niya ang mabuti at dapat. Maaring habang nakasakay sa dyip, nakikita ng tao na dapat at mabuti siyang magbayad ng pamasahe. O na dapat at mabuti siyang magdahan kung magmamaneho baka may mabangga siyang tumatawid na tao. Samakatuwid, sa bawat kalagayan, may dapat at mabuti na naroroon -- at tinatawag ang tao na tupdin ito. May iba't ibang antas rin ng dapat at mabuti, may mga kailangan agad tugunan, gawin at tupdin. Maari ring ipagpaliban muna ang iba. Kaya para bagang hangin na nilalanghap ng tao ang dapat at mabuti.

May mga sandali rin na hindi nakikita ng tao ang dapat at mabuti. Maaring nagbubulag-bulagan ang tao, o naging mahina ang pagka-alisto ng tao sa dapat, o nagpakamanhid ang tao. At madalas ang pagpapakamanhid ay sanhi ng paghina ng kanyang pagmemeron, maaring dala ng sakit at pagod sa buhay, dala ng krisis o problema. Ngunit nanatili ang dapat at mabuti, ang tawag ay naroroon pa rin kahit hindi pinapansin ng tao. Hindi nawawasak ang dapat at mabuti kapag hindi tinutugunan ng tao, sapagkat ang tawag ng dapat ay hindi nakabatay sa tao, kundi sa meron.

Magkape muna tayo sandali ….

Huminto tayo muna sandali upang tingnan na ang ating tinunguhan, at saan na ba tayo tumutungo. Nagsimula tayo sa isang pagmumulat sa sinaunang kaayusang naaninagan ng tao sa kanyang kapaligiran. Alam ng tao na merong kaayusan, ngunit hindi niya ito lubusang masakyan, ngunit nagsisikap pa rin siyang unawain, galangin, at tablan itong katutubong kaayusan ng meron. Ang mismong kaayusan ay meron. Meron bilang maayos. Kung wala, hindi na natin matatanong at maunawaan kung maayos, sapagkat walang kaayusan. Wala, at wala talagang kaayusan sa wala.

Ang tunay at totoong kaayusan ay ang kaayusang gumagalaw sa meron. At ang kaayusang hindi gumagalaw sa meron, walang kahulugan, palibhasa wala, hindi meron. Samakatuwid, alam natin ang kahulugan sapagkat maayos, maayos kaya may kahulugan, may kahulugan sapagkat meron, at meron kaya maayos. Walang daigdig kung walang kaayusan. Bakit kaya nangyayari iyon o iyan? Kung walang nangyayari, wala ring kaayusan. Kaya lumalabas na walang kaayusan sa wala. Hindi talaga ang maayos ang wala. At ang mismong wala ay wala talagang kaayusan.

Kahit aninag minsan ang kapit natin sa kahulugan at kaayusan, ang ating pag-uunawa at pagharap sa meron, tunay at mahalaga pa ring pag-aninag - isang makataong pagsisikap mula sa kanyang tapat na pagsusubaybay sa katotohanan. Ngayon, bakit may mga bagay na hindi maayos? Hindi sila wala. Meron sila, ngunit hindi maayos. Maaring hindi lamang nasakyan ng pag-uunawa ang kaayusan na nangyayari, kaya ang dating sa kanyang pag-uunawa ay hindi maayos. Ngunit kapag nagsimula nang mamulat siya sa unti-unting nagpapakitang kaayusan -- nagsisimula na rin ang pagkilala. Ngunit naroon na sa sinaunang pagmumulat ng tao ang kaayusan na ito, "nasa pondo na ng kawalang malay."8

Merong kaayusang pisikal at moral. Ngunit sa bawat pisikal na kaayusan, nakasangkot ang moral na kaayusan: sapagkat ang bawat isa ay bahagi ng sangkaayusang nagpapakita at sumasakop o "namamahala", umaayos sa lahat ng kaayusan na minsan, nararanasan ng tao bilang hindi maayos at nagsasalangutan. Pati ang mismong tao, ang kanyang meron, pati ang kapuwa tao, at lahat ng di-tao gumagalaw sa loob ng kaayusang ito.

Kaayusan at Tindi ng Pagmemeron

Kung ang bawat isang nagmemeron ay meron nang kaayusan na nasa kanyang sarili, ibig nitong sabihin na kapag meron, laging maayos. Itong pagmumulat sa kaayusan ay isang pagmumulat rin sa kaayusang sinauna, isang kaayusan na hindi nilikha ng tao, ngunit namumulatang gumagalaw sa meron. Sa buong sangkameronan, maananinagan ang iba't ibang antas ng pagmemeron. Iba-ibang antas ng paglaban sa wala. Iba-ibang istilo ng pagtirik ng sarili sa meron. Masasalamin rin ang iba't ibang antas ng pagkamaayos.

Mula sa ating namulatan sa itaas, kung humihina samakatuwid ang pagmemeron, humihina rin ang pagkamaayos. Unti-unti pumapasok ang wala, ang pagka-hindi-maayos sa meron, sa kaayusan. Para bagang apoy na unti-unting kinakain ang meron. At kapag nagtagumpay ang wala, nawawala rin ang kaayusan.

Makikita natin at nauunawaan na ang pinakamatindi sa lahat na nagmemeron ay ang tao. Siya lamang ang may pagmumulat. Nakakamulat siya at nauuwaan niya ang kaayusan na nangyayari sa kanyang paligid. Nararanasan niya at nararamdaman ang kaayusang tumatalab sa bawat isang pagmemeron. Sabay ng kanyang pag-uunawa at pagdanas sa kaayusan, nasasakyan rin niya ang kaayusan. Kaya ang pagbigkas ng kaayusan ay isang pag-apirma sa meron, isang pag-amin sa meron. At ang pag-amin na ito ay isa ring pagtuklas ng tao sa meron.

Sapagkat siya ang nakakaunawa sa kaayusan, kaya rin niyang mag-ayos ayon sa nakikitang niyang kaayusan. Kaya niyang ayusin ang kanyang bayan at lipunan ayon sa nauunawaan niyang kaayusan. May nakikita siyang dapat ganito at hindi dapat ganyan. Na dapat gumawa ng mabuti at hindi dapat gumawa ng masama, na dapat makipagkapuwa tao at hindi baligtad. Madalas nararanasan ng tao na tumatalab sa kanyang kaloob-looban ang kaayusan. Ang paggalang sa kaayusan ito ay paggalang na rin sa dapat. Samakatuwid, ang tao ang matinding nagmemeron sa lahat ng nilikha sapagkat siya ang nakakaunawa sa kaayusan. Kaya rin niyang mag-ayos, ayusin ang kanyang sarili mula sa kanyang pagkadapa sa buhay, kaya niyang tumayo kung natumba siya sa putikan. Sapagkat may nakikita siyang kaayusan, may nakikita siyang dapat.

Saan at Kailan

Ang kaayusang nakikita at nararanasan ay kaayusang merong saan at kailan. Gumagalaw ang lahat na nagmemeron sa loob ng saan at kailan, kaya ang kanilang pagka-maayos ay nasa loob rin ng panahon at kalawakan. May karupukan tumatalab sa kaayusang nararanasan natin, kaya minsan hindi kaya ng isang nilalang o nilikha na ayusin ang kanyang sarili. Ang pagmumulat sa ating kaayusang marupok ay pag-amin sa ating hangganan.

Sa kabilang banda, hindi rin ito ang lugar upang sabihin nating "samakatuwid marupok ang tao, kaya nabubuhay siya sa kadiliman at lubusang kalungkutan." Ang mismong pagdanas sa kaayusan ay pagdanas rin sa kaayusang nagpapakita sa iba't ibang paraan, ngunit ang bawat pagdanas ay bahagi lamang ng tunay na kaayusan. Nasusulyapan pa rin mula sa malayo ang isang kaayusang ganap na ganap, hindi marupok. Kaya kailangan ang kaayusang ganap na ganap ay nasa labas ng saan at kailan, siya ang mismong Meron na lampas sa lahat na nagmemeron, lampas sa lahat ng kaayusan.

Pagbigkas ng Kaayusan, Kahulugan, Meron

Sabay sa pagdanas sa kaayusan, nararanasan rin ng tao ang kahulugan. Ang pagkilala sa kaayusan ay isa ring pagtalab sa kahulugan. Bawat meron, may kaayusan, bawat kaayusan may kahulugan. Ngunit kagat lagi ang pagtalab ng pag-uunawa, isang bahagi lamang lagi ang nararanasan. Isang pagbigkas lamang ang kanyang ginagawa lagi. Ngunit kailangan bigkasin na meron, kailangang bigkasin ang meron.

Ukol sa bigkas9

Ang unang paggamit ng "bigkas" ay upang itukoy ang tamang paggalaw ng dila at labi at mga bahagi ng bibig upang lumabas ang malinaw na huni ng salita. Kaya't masasabi natin na mahirap bigkasin ang Pranses o na malinaw bumigkas ang isang artista. At masasabi ng isang direktor o ng isang guro sa pananalumpati: "Buksan mo ang iyong bibig. Galawin mo ang iyong mga panga. Bumigkas ka ng malinaw."

Mula sa ganyang paggamit, isang maikling hakbang kung gagamitin ang "bigkas" sa pagtukoy sa isang matunog na pananalumpati o isang pasigaw na pagbibigay alam. "Nagbigkasan sila ng mga saknong ng Florante at Laura." "Nagsitakbuhan ang mga tao sa lansangan. "Bulkan! Bulkan!', bigkas nila.

Kung minsan naman, ginagamit ang "bigkas" upang itukoy ang pag-ulit ng salita na galing sa ibang tao o sa isang libro. "Ang lahat ng sinabi mo, binigkas niya sa amin." O "Aba bumibigkas ka pa ng bibliya, ah."

Maari din namang mangyari na ang taong bumibigkas ay nagbibitiw ng salita na may kapangyarihang gumawa at magbago, o kung minsan naman, manira. "Noong binigkas ni Pedro ang kanyang pag-ibig, naging buo ang daigdig ni Petra." O "Huwag kang bibigkas ng sumpa, iya'y makakawasak sa ating angkan."

Bigkasin ang meron

Ugali ng mga namimilosopiya na bumuo ng bagong salita, dala ng pangangailangan ng ugyok ng pag-iisip. Ngunit madalas, hindi sila nag-iimbento ng bagong huni, kundi kumukuha ng dati at kilalang huni at ginagamit ito sa bagong paraan.10 At ang bagong paraan ay may kaugnayan sa mga nakaugalian nang paraan, ngunit iba pa rin. At iba sapagkat iyan ang hinihingi ng pag-uunawa.

…. Pinagmasdan natin ang kagandahan ng mga purong konsepto, mga purong idea11 [sa categoricus imperativus ni Immanuel Kant] --- mga idea na may nilalaman at napapaligiran ng mga …. malilinaw na hangganan. Sa ganyang pagmamasid, ang nag-iisip ay may poder sa mga konsepto [at idea]. Maari niyang limutin ang pinanggalingan ng konsepto; makakaimbento siya ng bago; mapaglalaruan niya; maayos niya ayon sa anumang hilig niya. Hari siya ng kanyang kaharian.

Sa tanong na "meron ba?"12 nakasalalay ang panganib ng kaharian. Ang tumatanggi sa tanong ay nagkukulong sa kanyang kaharian;13 ginagawa niyang bilangguan. Ngunit kung harapin niya ang tanong at tutugon sa buo niyang abot kaya, makikita niya na huwad pala ang inaakala niyang kaharian. At matatauhan siya na may bago palang nangyayari sa kalooban niya …. Ganyan ang bagong nangyayari sa loob natin noong isinilang natin ang salitang "bigkasin ang meron" bilang bagong salita na kasama at katumbas at nakikipagtalaban sa kilos ng diwa, kilos na mapaglikha.

Itong kilos na ito ay paggalaw sa loob ng meron at isang kilos na siksik sa katangian at hindi lubusang masabi-sabi, ngunit maaring isa-isahin sa isip. Alalahanin lamang na ito ng pag-iisa-isa ay pagkokonsepto14 uli, at samakatuwid, makakakulong uli kung hindi natin gagamitin ang maingat na paghihigit kumulang sa isang paksa na matatalakay lamang sa "pagka-eksakto ng tiyak at alanganin."15

Habang sinusulat ko ito ngayon, may isang tasa ng mainit na kape sa aking harapan. Ang tasa na nasa aking harapan ay meron. Ang pagbigkas ko sa aking bibig ng "merong tasa" ay hindi lamang mga salitang mula sa aking lalamunan. Ang pagbigkas ay nagmumula sa kalooban na nakakaranas ng tasa, at kailangang bigkasin ang pagdanas na ito. Merong tasa! Meron. Hindi wala. Ngunit ano ba talaga ang nangyayari habang binibigkas ko ang tasa? Binibigkas ko ang alam ko,16 na merong tasa. Ngunit sa aking pagbigkas, alam kong meron rin akong hindi alam sa tasa. Alam kong meron akong di-alam. Meron pang lampas sa alam ko, at ang alam ko ngayon ay ang pinakamabuting alam ko sa tasang iyan.

Samakatuwid, sa aking pagbigkas sa tasa, hindi ko lamang binibigkas ang alam ko sa tasa, kundi sabay ko ring binibigkas sa aking kalooban na meron rin akong di-alam sa tasang iyan. Kaya ang pagbigkas ko na "merong tasa" ay pag-amin ng mga alam ko sa tasang iyan sabay ang mga hindi-ko-pa-alam sa tasang iyan. Binibigkas ko ang kahulugan na tasa sabay ang hindi-ko-pa-nakikitang- kahulugan ng tasa. Binibigkas ko ang kaayusan ng tasa, sabay ang kaayusang hindi-ko-pa-nakikita sa tasa.

Sa huli, hindi lamang tasa ang binibigkas ko at inaamin kong meron. Binibigkas ko rin ang aking sarili. Sabay sa aking pagbigkas sa tasa, inaamin ko ring meron ako. Meron ako. Ako na bumibigkas ng tasa. Sa aking pagbigkas na meron ako, nakikita at nauunawaan ko ang aking sarili. Ngunit hindi lamang ang alam ko sa aking sarili ang aking binibigkas, inaamin ko rin at binibigkas na meron rin akong hindi-alam sa aking sarili. May mga bahagi ng aking sarili hindi pa ako mulat, mga bahaging nasa aking tagong-malay, mga potensyal na hindi pa nangyayari sa akin, mga kakayahang hindi pa ako mulat -- isang napakayamang sarili na laging nakatago. Isang pagkamahiwaga ng aking sarili.

Nararanasan ko ang kalaliman ng aking sarili … at baka mamulat rin ako na hindi lamang ang alam ko at ang di-alam ko sa aking sarili ang aking binibigkas. Binibigkas ko rin ang mga hindi-ako na bahagi ng aking sarili -- mga pagkain, ang hangin at tubig, na nagbibigay buhay sa akin. Mga kaibigan at mga mahal sa buhay, lahat na nagmemeron. Hindi ba napakayaman ng karanasang ito --- sa isang munting pagbigkas na merong tasa, kasama ako, ang kapuwa tao, lahat na nagmemeron sa aking pagbigkas, pag-amin, pagkilala, paggalang at pagtanggap. Samakatuwid, ang mismong pagbigkas ay isang pasasalamat rin na meron ako, meron sila, meron kaming lahat.17 Na kung kami lamang, sana wala kami. Lahat ng ito ay pagbigkas ng kaayusan na kasama sa aking pagbigkas, ang buong sangkaayusan na nasa buong sangkameronan, pagbigkas sa mismong Meron na patuloy na nagpapameron sa aming lahat.

 Meron na Meron

Kaya humahantong si Sto. Tomas na maari rin natin mapuntahan sa pamamagitan ng isang dahan-dahan at seryosong pagmumuni-muni, sa isang Kaayusang kinakabitan ng lahat ng kaayusan (maka-agham, pagkamaayos ng matematika, kaayusang pisikal, moral, atbp.). May kaayusan, kahit hindi ko alam ang mga posibilidad ng kaayusan ito.

Kaya, ano ba ang kaayusan? Merong sinaunang pagmumulat na maayos ang daigdig. At ang pagmumulat na ito ay lumalabas sa pagtatanong, sa naghahanap na pangungusap: hindi natin alam ang buong kaayusan, pero sigurado pa ring meron. Kahit hindi maayos, may kaayusan pa rin. Hindi ko alam kung kaayusan ba itong hindi pagka-maayos. Hindi ko inimbento pero alam kong meron sabay hindi ko alam lahat ukol sa kaayusang ito. Maari tayong magpatulong sa salita ni Otto, "isang Absolutong Kuwan".18 Isang "kuwan" na sigurado akong meron, hindi wala, ngunit hindi ko lubusang maunawaan, alam-di-alam. May nadarama akong kaayusan, may nararanasan akong may simula itong kaayusang ito at may patutunguhan, hindi ko alam lahat pero may sapat akong kaalaman na kaayusan pa rin ito. At ang katiting na alam ko ay tunay pa ring karunungan at kaalaman; sabay na kailangan at dapat magpatuloy na umalam pa.

Kailangan na itong "kuwan" na ito ay meron na Meron, sukdulan ang kanyang meron, sukdulan rin ang kanyang pagkamaayos, ganap na ganap sa kasukasuan. Isang kaayusan na nag-aayos sa lahat, nagpapameron sa lahat na meron, nag-aayos sa aking kaayusang hindi ganap. Siya ang kaayusan ng mismong kaayusan. Kailangang wala siyang pagkamaayos, hindi galing sa kanya ang hindi-maayos, at hindi siya ang kawalan-ng-kaayusan.

Sa huli19

Lumalakbay ang tao sa lupa patungo sa sukdulan at tahasang Meron. Bahagi ng kaayusang nakatadhana sa pagmemeron ng tao ang kanyang paglalakbay. At sa paglalakbay, nararanasan niyang tumatalab sa kanya ang meron, alam niyang meron siya. Tinatawag siyang bigkasin ito, bigkasin ang kanyang pagmemeron, makipagkapuwa tao, magpakatao. Ang pagpapakatao ay isang paglalakbay, na bahagi ng kaayusan.

Habang tinutungo ng tao ang telos20 na siyang hantungan na tigib sa walang hanggang ligaya mula sa tunay na pagkamaayos, ang walang hanggang katotohanan at kabutihan, may udyok sa kanyang kalikasang gawin ang nararapat sa tao, sa kanya, sa kapuwa. May isang uring pamumuhay na siyang karapat-dapat tahakin ng tao upang makamit niya ang ninanais ng kanyang kalooban: walang hanggang kaligayahan sa katotohanan at kabutihan: ito ay ang magpakatao - ayon sa kaayusan ng tao. Ang walang hintong pagbigkas sa meron, ang walang hintong pagmamahal sa kapuwa. Ang mamuhay ayon sa katotohanan at kabutihan, at ang walang hintong pagsasaibayo na bunga ng makataong pagsisikap.

Nararanasan ng tao ang meron bilang may hangganan dito sa lupa, may kamatayan, may pagkawasak, may pagkabigo. Ngunit ayon sa aabot ng kanyang isip, naaninagan niya mula sa malayo ang mismong Meron na walang hanggan, ang walang hanggang kaligayahan, katotohanan at kabutihan matatamo niya, na magbibigay lunas sa kanyang pagka-uhaw ng kalooban at isip na hindi kailanman matutupad sa buhay lupa. Totoong nararanasan ng tao ang pagkabigo, pagkamarupok, pagakawasak. Ngunit alam niyang meron pa rin siya. Nagsisikap pa rin siyang itirik at ibalik ang sarili sa meron. Namumulatan siyang may mas lampas pa sa kanyang patuloy na sumasalo sa bawat paghulog niya. May kamay na humahawak at nagpapameron sa kanya sa bawat sandali ng kanyang pag-iral bilang tao. Kaya bukal lang na aminin niyang merong Meron na siyang nagpapameron sa lahat ng ito, nag-aayos sa lahat nitong hindi-lubusang maayos. Mga nagmemeron na ganap na maayos sa kanyang sarili. Makataong aminin ng may pagpapakumbaba na nakabatay ang aking pagmemeron bilang nagpapakatao, ang aking pagkamaayos, sa kanya. Kalooban niyang magmeron ako, bumigkas, magpakatao: lahat bahagi na ng kanyang kaayusan.

Sa hindi marunong tumawa …

Buhay ay katatawanan. (G.K. Chesterton)

 


Nota

          

Isa s 1Isa mga mahalagang tanong ni Sto. Tomas de Aquino sa kanyang obra maestra na Summa Theologica

          2Maykapal, isang katagang Pilipino, mula sa ating kultura sumulpot itong salita. Ibig sabihin na nasa loob mismo ng ating kultura, naroon ang pagmumulat sa isang lampas pa sa tao, na siyang Maykapal. Meron isang taong nag-aaral sa ugat na salitang ito, nakalimutan ko na ang kanyang pangalan. Ayon sa kanya ang salitang Maykapal ay mula sa katagang palad. Nasa palad na niya tayo, ibig sabihin na ang ating kapalaran ay nasa kanya, kaya tinatawag siyang Maykapal sapagkat siya ang may hawak ng ating kapalaran, siya ang nagtatakda na kapalaran ng lahat.

          3Paksa: nagpapakita sa iba't ibang paraan; bawat pagpapakita hawig sabay ibang iba sa bawat isang pagpapakita. Kaya masasabing ang paksa ay "nagpapakita sa iba't ibang paraan, ngunit iyong iyon din ang pinapapakita." Tingnan rin ang pagtalakay ni Roque J. Ferriols, SJ sa Pambungad sa Metapisika (ORP: Ateneo de Manila University, 1991), 120-134, at ni W. Norris Clarke, SJ sa Metaphysical Analysis of Human Person, Fordham University.

           4Isang Latin na kataga na ang ibig sabihin isang kaayusan, o isang antas ng kaayusan; kaayusang nagpapakita sa iba't ibang antas, iba't ibang istilo, iba't ibang paraan at pamamagitan. Maaring ang dating rin sa tao ay isang "hindi-pagka-maayos".

          5May teorya si John Wisdom tungkol sa kaayusan na tumuturo sa Diyos. Ayon daw sa kanya, ang pagdanas sa kaayusan ay pagdanas sa Diyos. Ngunit maging mulat tayo na nag-iisip si John Wisdom sa liwanag ng lohika at matematika; ang kaayusang lohikal at matematiko ang kanyang tinutukoy. Kaya may kahiligan ang kanyang teorya na bumaling lamang sa makataong lohika at sa masusukat ng matematika.

           6Idea clara et distincta: mga konseptong may malilinaw na hangganan at tumpak na nilalaman. Ang mga konsepto ay tinitipon, kinabit sa isa't isa, inuugnay sa bawat isa sa isip. Inuugnay at kinakabit-tinatanggal ayon sa patakaran ng lohika (axioma). Kaya pag natipon ang lahat at inayos ayon sa mga aksiyoma, tinatawag itong sistema. Ang sistema ay katipunan ng mga ideya o konseptong inaayos sa isang paraan, inayos ayon sa isang patakaran o aksiyoma.

             7May sinipi akong mga babasahin tungkol sa agham, pero nasa wikang Ingles na may pamagat: Supplementary to Ex Ordine Discussion. Maari yatang basahin ito ng mambabasa kung nais niyang matuto pa sa larangan ng agham, pisika at kemika kung paano sinusukat ng agham ang meron. Ngunti buod ng mga ito -- na hindi kayang malaman ng agham ang tumpak na galaw ng meron. Tinalakay ko sa mga sinipi ang mga sumusunod na paksa: Thermodynamics, Newton's Laws of Motion, Atomic Physics and Quantum Mechanics, nuclear and particle physics, Bohr's Theory, Schrodinger Equation, Heisenberg's Uncertainty Principle and Copenhagen Interpretation, Hidden Variable Theories, Einstein-Podolsky-Rosen Paradox, Bell's Theorem, Planck's Constant, Compton Effect, Decision Theory.

           8Tingnan ang Pilosopiya ng Relihiyon ni Roque J. Ferriols, SJ.

          9Tingnan ang Pambungad sa Metapisika, 113-114.

           10 Isang pag-uulit ng luma, ngunit ginagamit sa bagong paraan. Isang lumang bago, isang bagong luma. Inuulit ang lumang huni, ngunit sa pag-uulit may nalilikhang bagong kahulugan, bagong pag-uunawa. Tinatawag ito ni Sren Kierkegaard na mapaglikhang pag-uulit. Isang pag-uulit na may nalilikhang bago.

            11Mga konsepto, mga ideyang laging necessarium at universale.

            12Meron ba?: ito ang batayan kung ang konsepto o ideya ay nasa meron. Kung nasa karagatan ng meron ang konsepto, hindi nawawala kung tinatanong na meron ba?, ngunit kung wala sa meron, naglalaho naman. Halimbawa: purong ideya na bilog, isa, berde, Garfield, Crisostomo Ibarra at Maria Clara.

            13Tingnan ang kahiligan ng Neo-Kantiano sa Pilosopiya ng Relihiyon, pahina 17. Makikita ang pag-iwas sa tanong na "meron ba?", basta ang importante ay "makahulugan ba para sa akin?". Isa itong pagsara ng isip upang magpakulong sa isang makitid na kaharian na ang ako ang hari.

          14Isang pagkokonsepto ang pag-iisa-isa. Ibig sabihin ang pag-iisa-isa ay nangyayari lamang sa isip. Isang pangyayaring hiwalay sa katotohan, o abtractio sa salitang Latin. Sa meron laging buo, lahat na iniisa-isa ng isip ay laging buo sa meron, sa tunay na nangyayari.

           15 Ibig sabihin na ang esksakto lamang ay "tiyak sabay alanganin". Halimbawa pag nag-usap ang dalawang tao na magkita sila eksaktong alas tres. Ibig sabihin talaga niyan ay hindi impunto alas tres, kundi humigit-kumulang sa alas tres. Maaring nahuli ka ang ilang sandali, o nauna naman ako ng ilang sandali bago ka dumating. Kaya ang ibig sabihin ng eksakto o tiyak ay hindi talaga isang mahigpit at malinaw na pagka-eksakto kundi humihigit kumulang, tiyak ngang alas tres, ngunit di-tiyak na talagang alas tres. Tiyak-sabay-di-tiyak o isang eksaktong alanganin. May kataga sa agham na ginagamit: asintotiko, lumalapit lamang sa pagka-eksakto ngunit hindi lubusang eksakto. Kaya masasabing ang agham ay laging asintotiko.

              16Ang alam ko, ang idea ko. Tingnan ang categoricus imperativus ni Immanuel Kant.

             17Tingnan ang mga Nota ko ukol sa Ex Contingentia at Potensyal.

             18"Somewhat Absolute" Rudolf Otto. Das Heilige. Nasa bersyong Ingles The Idea of the Holy.

             19 Jeremy Eliab, Pagpapakatao: Landas Patungo sa Meron, Lawig Philosophy Journal (1993): 9-13.

               20Telos: salitang Griyego. Maaring maaninagan ang ibig nitong sabihin sa: "telos ng tuta na maging aso", o "telos ng buto ng santol na maging punong santol." Mula diyan, maari rin nating sabihin na telos ng tao ang magpakatao, telos ng tanim ang magpakatanim.


Talasanggunian

Sa mga nais magbasa pa ng mga sulat at teksto ni Mang Tomas de Aquino, maaring tingnan at makisangguni ang mga sumusunod sa libro na aking pinaghanguan kahimanwari ng mga kalat-kalat na pagmumuni-muni sa pag-iisip ni Tomas.

Baird, Forrest E., Kaufmann, Walter. 1997. Medieval Philosophy. 2nd Ed. New Jersey: Prentice Hall.

Chesterton, G. K. 1956. St. Thomas Aquinas: The "Dumb Ox." New York: Doubleday Image.

Copleston, Frederick C. 1955. Aquinas. Baltimore, MD: Penguin Books.

Davies, Brian. 1992. The thought of Thomas Aquinas. Oxford: Oxford University Press.

Flew, A.G.N. 1966. God and Philosophy. London: Hutchinson.

Gilson, Etiene. 1956. The Christian Philosophy of St. Thomas Aquinas. New York: Ramdom House.

Kenny, Athony. 1969. Aquinas: A collection of critical essays. Garden City, NY: Anchor Doubleday.

_____________. 1969. The five ways: St. Thomas Aquinas' proofs of God's existence. London: Routledge & Kegan Paul.

_____________. 1980. Aquinas. New York: Hill and Wang.

Kretzmann, Norman and Stump, Eleonore. 1993. The Cambridge companion to Aquinas. Cambridge: Cambridge University Press.

McInerny, Ralph. 1977. St. Thomas Aquinas. Boston: Twayne.

Pegis, Anton C. 1948. Introduction to St. Thomas. New York: Random House, Inc.

Pieper, Josef. 1962. Guide to St. Thomas Aquinas. New York: Pantheon.

Weisheipl, James A. 1974. Friar Thomas D'Aquino: His life, thought, and works. Garden City, NY: Doubleday.

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

All Rights Reserved 2003 Pilosopo Tasyo
Updated last 04 October 2003