Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact


REFLEKSIBONG PAGTINGIN
Rainier R. A. Ibana, Ph.D.
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Isang panayam na binigkas sa Ikalawang Pambansang Kumperensiya si Pilosopiyang Filipino: "Ang Pilosopiya sa Iba’t ibang Larangn ng Kaalaman" na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas noong ika 28-29 ng Oktubre, l999 sa Diliman, Lunsod ng Quezon.

Pahintulutan po ninyong magsimula ako mula sa isang sipi sa buhay ni Gautama Buddha dahil may sinasabi ang kanyang pangunahing aral sa ating paksa. Ayon kay Buddha, natutulog ang buong daigdig sa kamangmangan dahil naghahabol sila sa mga bagay-bagay na lumilipas. Tanging yaong nakatuklas sa katotohanan ang gising na. Tinataguriang Buddha ang gising na; mangmang naman ang natutulog pa (SB 91). Nananatiling mangmang ang tao habang wala siyang matinding pagmamalay sa mga bagay-bagay. Naghahabol naman ang mga mangmang sa mga bagay dahil sa kalabuan ng liwanag sa kanilang kamalayan.

Nakatutulong ang iba’t ibang mga disiplina upang sindihan ang kamalayan ng tao. Subalit higit na pinatitindi ng pamimilosopiya ang liwanag na ito sa pamamagitan ng pagmumunimuni. May tatlong uri ng pagpapatindi sa kaliwanagan ng pagmamalay-tao: tawagin nating pagkagulat ang una, pagkamulat ang ikalawa, at pagkagising ang ikatatlo.

Pagkagulat sa Nagmemeron

Nauuna ang antas ng pagkagulat dahil mayroon itong kaugnayan sa pagmamalay ng tao sa buong larangan ng buhay. Pangunahing karanasan ang pagkagulat sa mismong pagkanaririto ng daigdig na hindi maihihiwalay sa pagmamalay ng tao sa kanyang mismong pagkanaririto. Namamalayan ang pagkanaririto nito, ang pagkanaririto niyan, at ang pagkanaririto niya, mula sa abot tanaw ng pagkanaririto mismo, ang pagkanagmemeron o ang hindi pagkawala ng lahat. Itong pagkanagmemeron at pagkahindi wala ang nagbubunsod ng lubusang pagkagulat: "Bakit nagmemeron ang lahat at hindi sila wala?" Kasabay nito ang hindi maiiwasang pagkakasangkot ng katanungang sa pagmemeron, at hindi pagkawala, ng taong bumibigkas ng tanong: bakit nagmemeron ako at hindi ako wala? (BT 32-33)

May kaugnayan sa ibang mga disiplina ang orihinal na pagkagulat sa katanungang ito sapagkat nakaugat ang mga datos ng anumang aralin sa loob ng abot tanaw ng pagmemeron. Nakataya ang eksperimento at mga instrumento ng agham sa pagpapatunay sa pagkanagmemeron ng mga datos. Kung wala sa larangan ng pagmemeron ang datos ng agham, wala ring maaaring tumutol o sumang-ayon sa mga pahayag nito; hindi mapabubulaanan at hindi mapatutunayan ang mga haypotesis kung wala itong kaugnayan sa pagmemeron. Ni wala silang maipahahayag maliban sa pambobola na madali namang mapabubulaanan ng pagkameron o pagkawalang-nilalaman ng kanilang sinasabi. Dahil mahigpit ang pagkapit ng mga agham sa ebidensyang empirikal, hindi maiiwasang ituro ng kanilang pananaliksik ang landas patungo sa orihinal na pagkagulat sa larangan ng pagmemeron.

Pagkagulat sa mga Balangkas ng Pananaw

Subalit dahil nagpapakita ang pagmemeron sa kamalayan ng tao, hindi maiiwasang mamulat din ang tao sa kanyang sariling pananaw sa pagmemeron. Hindi matatanggihan na may mga balangkas ng kaisipan na humuhubog sa pag-uunawa ng tao. Hindi basta maiuutos ng siyentista na basta dumilat sa mga ebidensya. Kaugnay ng pagdilat ang tanong na kung ano nga ba ang pandidilatan? (CR 46)

Oras na sikaping sagutin ang tanong ukol sa kaanuhan ng nagmemeron, lilitaw ang pagkakaroon ng iba-ibang anyo ng kaanuhan: kayamanan, kapangyarihan, kasarian, kalipunan, katauhan, kagandahan, kahayupan, atbpa.. Nagpapakita ng iba-ibang mukha ang nagmemeron dahil na rin sa iba’t ibang pananaw ng tao. Mayroon itong iba ibang anggulo, antas, nibel, lalim, lawak at panahon. Higit na nagiging masalimuot ang pagsusuri sa mga paksa ng mga agham pantao at agham panlipunan dahil sa matinding kamulatan sa iba’t ibang balangkas ng pagtanaw. Dumagdagsa rin ang sari-saring uri ng agham dahil sa pangangailangan ng iba’t ibang pananaw.

Subalit kailangan nating mag-ingat sa puntong ito dahil isang malakas na tukso para sa taong mulat sa iba’t ibang pananaw ang iuwi ang kasaganaan ng nag-uumapaw na karanasan patungo sa makitid na kasalatan ng isang punto-de-bista lamang. Ito ang suliranin, halimbawa, ng ekonomistang walang pakialam sa pulitika at kultura, ng biyologong hindi siniryoso ang pag-aaral sa kimika at pisika, ng historyador na walang alam sa sikolohiya at sosyolohiya.

Pagkagising sa Hangganan ng mga Disiplina

Tungkulin ng sinumang namimilosopo na manggising sa mga hangganan ng iba’t ibang mga disiplina upang maipagpatuloy ang pagdiriwang sa walang katapusang piyesta ng iba’t ibang pananaw sa buhay. Sa ganitong paraan lamang natin mapalilitaw at maiwawagayway ang iba’t ibang kulay at hugis ng pagmemeron. Kailangan nga lamang nating maging maingat sa mga tagataguyod at tagagiit sa pagkamulat ng iisang punto de bista lamang dahil maaari silang mapeste sa ating pamimiyesta. Alalahanin natin ang naging kapalaran ni Mang Sokrates na tiniris ng mga taga-Atena dahil sa kanyang pambabangaw.

Sa gitna ng iba-ibang mga balangkas ng isipan at punto de bista, nagigising tayo sa "refleksibong pagtingin" sa kasaganaan ng buhay (PE 33). Refleksibo ang pagtinging ito dahil isinasaalang-alang nito ang posibilidad ng iba pang mga pananaw. Alisto rin ito sa makagugulat na sorpresa ng panibago at hindi inaasahang mga hudyat ng pagmemeron. Kaya nga nakahanda itong bitawan ang sariling pananaw kung may magmumungkahi ng higit na malalim na punto-de-bista na makapagpapaliwanag sa higit na kalawakan ng buhay.

Nagiging posible ang pagpapalitan ng mga kurokurong (katulad ng ginagawa natin ngayon) dahil sa samasamang pamamahay natin sa refleksibong larangan ng buhay. Nakaaalpas tayo mula sa makikitid na balangkas ng isipan patungo sa isang paniniwala na makararating rin tayo sa isang higit na malawakang pag-uunawa na kinabibilangan ng iba’t ibang punto de bista.

Refleksibong Pagtingin

Bukas ang pag-uunawang ito kaninuman: sa siyentista, artista, antropolohista, feminista, kwentista, aktibista, manikurista, kolonyalista, lasalista, atenista, pilipinista, sosyalista, komunista, karatista. Subalit nakikiusap lamang tayo na manatili nawa sa mga hangganan ng argumento, at hindi umabot sa armamento, ang ating usapan. Sa tulong lamang ng pasubaling ito -- na isang pasubaling walang pasubali ayon nga kay Kant – mapaiiral natin ang isang refleksibong pagtingin na may pagkabukas sa sinumang maaaring tumutol. Ipinagpapasalamat pa nga ang anumang pagtutol dahil ipinahihiwatig nito ang pakikisangkot sa samasamang paghahanap sa kinauugatan nating lahat.

Ipinapalagay ng pakikisangkot na ito na may mundo tayong kinauugatan na palagi nang naririyan sa simula’t simula pa; subalit natabunan nga lamang ng mga hindi kinilatis na palapalagay na hinubog at pinatigas ng mga balangkas ng isipan at ng lipunan (TCA 119ff). Sa pamamagitan ng refleksibong pagtingin, nauunawaan ang karanasan na para bagang nakikita ito sa unang pagkakataon, nang may pagkasariwa, nang may pagkamangha, nang may sabay na pagkagulat at pagkamulat.

Bilang mga halimbawa, ginagamit natin sa nakababatong pang-araw araw na buhay ang mga wikang Ingles at Filipino. Sa refleksibong pagtingin, namamangha at napapatanong tayo: "Ano nga ba ang ibig sabihin ng wika? Paano nakararating sa ibang tao ang ating mga pinapaksa sa pamamagitan ng wika?" Gayundin ang karanasan natin sa anumang aralin: bago natin alalahanin at suriin ang mga datos ng kasaysayan, ininatanong ng refleksibong pagtingin: "Ano nga ba ang saysay ng kasaysayan?" May katulad na karanasan din ito sa mga agham-pangkalikasan dahil bago natin saliksikin ang mga balangkas ng buhay, itinatanong din natin: "Ano nga ba ang kahulugan ng buhay?"

Hindi pagkapanganay na binibilang sa panahon ang dahilan ng pagkapanibago ng mga katanungang ganito. Madalas na naitatanong rin ito sa gitna o sa katapusan ng pag-aaral. Nagmimistulang bago ang mga katanungang ganito dahil nagmumula ito sa kaibuturan ng karanasan mismo: ang buto na pinagmumulan ng ugat, ng puno, ng sanga, ng dahon, ng mga bulaklak. Subalit sa kaibuturan pa ng kabutuhan, na lumalampas pa sa lupa at sa ugat, pumapaimbulong ang mga katanungang ito sa mahiwagang kilos ng malay-tao na sumasaibayo sa anumang biyolohikong talinghaga. Gaano man katindi ang pumapaypay na pagsulong ng biyolohikong ebolusyon, nababaliktad ang lahat na ito sa pagsibol ng malay-tao. Isinalin ng aming guro ang refleksibong kilos na ito bilang "pagbabalik-tiklop" dahil nakarating ang antas ng pagmamalay ng mundo sa isang may kakayanang "tumiklop sa sarili at umangkin sa mismong sarili" (PSM 224-225).

Pagkadukha at Pakikipagkapwa

Subalit hindi makasarili ang gawaing ito. Sa katunayan, dukha ito sa kaibuturan kung kaya nakapagbibigay at nakatatanggap ito ng lahat. May walang hanggang kababaang loob ito na walang kapunuan gayong hindi naman ito butas sa kailaliman. Maihahalintulad muli muli ang bugtong nito kay Gautama Buddha na namamalimos sa lahat. Sa harap ng kanyang amang hari, winika ni Buddha:

Nanggaling ako mula sa isang mahabang binhi ng mga guro,

ng mga Buddha noong nakalipas. Palagi nang mapagkumbaba

ang mga gurong ito (SB 108).

Itong pagpapakumbaba ang birtud na nagbibigay-lakas sa kakayanan ng refleksibong pagtingin na matanggap ang iba’t ibang punto de bista na siyang nagpapakilala sa samot-saring mukha ng reyalidad. Bumabalik tayong muli rito sa orihinal na pagkagulat sa lahat na nagmemeron dahil maaaring tanggapin ang lahat ng sinumang gising sa refleksibong pagtingin. Subalit kakaiba itong pagbabalik na ito dahil dumaan at lumampas na ito sa sandali ng pagkamulat sa sariling balangkas ng isipan. Wala itong kakayanang mamilit ng sariling balangkas laban sa katotohanan at sa katotong may kakaibang balangkas ng isipan. Sa halip, natatanggap nito ang lahat dahil na nga sa abang pagmamalay sa sariling karukhaan (PBE 54ff.).

Para sa sinumang nananahan sa refleksibong pagtingin, masasabi nilang nanggaling rin sila sa mahabang binhi ng mga guro: sina Amang Thales, Lao-Tze, Kung Fu-tze, Platon, Aristoteles, Sto. Tomas, Kant, Hegel, at iba pa. Kung tutuusin, wala rin silang ginawa kundi tumingin nang parefleksibo sa iba’t ibang disiplina ng kanilang lugar at panahon. Nais kong imungkahi na ganito rin ang hamon sa atin dito sa Pilipinas ngayon. Subalit hindi lamang ang dakilang mga pantas ang ating kasama. Kasangkot din natin ang mga aktibista at manikurista, karatista at artista, feminista at antropolohista, lasalista at atenista, kolonyalista at komunista, sosyalista at pilipinista.

Maraming salamat po.

Talaan ng mga Sinipi:

BT: Martin Heidegger, Being and Time ((New York: Harper and Row, 1962).
CR: Karl Popper, Conjectures and Refutations (New York: Harper and Row, 1965).
PBE: Norris Clarke, S.J., Person, Being, and Ecology (Quezon City: Ateneo Office of Research and Publications, 1996).
PE: Edith Stein, On the Problem of Empathy (The Hague: Martinus Nijhoff, l964).
PSM: Roque Ferriols, Pambungad sa Metapisika (Quezon City: Ateneo Office or Research and Publications, 1991)
SB: The Story of Buddha (New Delhi: Hemkunt Press, l978).
TCA: Juergen Habermas, The Theory of Communicative Action Vol. II (Boston: Beacon Press, 1987).

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

All Rights Reserved 2003 Pilosopo Tasyo
Updated last 04 October 2003