Make your own free website on Tripod.com

 

tasyo.jpg (11560 bytes)

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

ANG TOTOO,   MABUTI AT DAPAT
Hango sa mga Nota ni Padre Roque J. Ferriols, S.J.
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Ang Totoo at Mabuti

At sapagkat ang hinahanap natin na totoo at mabuti ay buong buo, umaapaw, walang maliw, walang pagkukulang, walang katapusan, tahasan at lubusan, hindi maiiwasang kilalanin na ang mabuti at totoo na sama-sama nating hinahanap ay ang Puong Maykapal. Ang landas na nararapat nating tahakin ay hindi lamang isang personal na pakikipagkapuwa sa isa't isa kundi isa ring personal na pakikipagkapuwa sa Maykapal. Ganyan ang landas ng nagsisikap na humantong sa isang matindi at walang maliw at buhay na buhay na pakikiisa sa ubod ng tunay at mabuti, sa Puon.

Kaya't natutuklasan natin na ang kalagayang angkop sa sangkatauhan. . .ang kalagayan na talagang nagpapaka-ako ako, nagpapaka-ikaw ka, nagpapaka-tayo tayo. . .ay ang kalagayan ng pagsusumikap humantong sa dinamiko at buhay na pakikisama sa Puong Maykapal. At hindi yata mahirap makita at matauhan na sa pagtupad sa mga gawain at sa paglikha ng uri ng pamumuhay na nababagay at naaayon sa ganitong kalagayan ay nakasalalay ang ating kapayapaan at ligaya.

Ang ganyang uring pamumuhay ay angkop nga sa ating katutubong pagnanais sa kaligayahan, tinutupad nga ang istrukturang natuklasan na natin sa pagnanais na ito; ngunit, simula pa lamang ito ng ligayang inaasam ng ating likas na katauhan. Hindi pa ito ang pakikiisa sa totoo at mabuti na buong buo, umaapaw, walang maliw, walang pagkukulang, walang katapusan, tahasan at lubusan.

Malinaw rin na bago sumapit ang kilalang kilalang kamatayan, wala tayong matutuklasan sa lupa na makapagdudulot ng ganyang pakikiisa sa mabuti at totoo. Sa buhay na alam natin ngayon, posible lamang ang isang simula, pakikipagkapwa ng tao sa tao, ng pakikipagkapwa ng bawat tao at ng sangkatauhan sa totoo at mabuti na likas nating ninanais.

Ito bang katutubong pagnanais na ito'y nasa atin lamang upang huwag matupad? Kung ganoon ay lalabas na walang kaayusan at walang kahulugan ang sanglibutan. Lalabas na ang daigdig ay tahanan ng isang linalang na ang tadhana'y naisin ang tiyan na hindi matatamo. Kaya't sa linalang na iyon, ang sanglibutan ay lalabas na sangkabigoan.

Ngunit, naunawaan na natin sa sinauna at sa pagmumuni-muni ukol sa sinauna na ang daigdig ay maayos. . .sa isang kahulugang hindi natin kayang buong unawain. . .ngunit, kaya pa rin nating unawain sa isang tunay na katiyakan. Sa loob ng abot tanaw ng katiyakan na ito ay nakikita natin na sapagkat maayos at may kahulugan ang daigdig, tiyak na meron katuparan ang ating likas na pagnanais. At sapagkat hindi matutupad bago sumapit ang kamatayan, tiyak na sa kabila ng kamatayan may malwalhating pagdating ng tao at pakikiisa sa totoo at mabuti na matindi, siksik sa kayamanan, hindi hihina o durupok, hindi mamamatay. . .


Dapat

Nakikita natin ang abot tanaw na kailangang kinagagalawan ng buhay-tao. Dapat mabuhay ang taong tumutungo sa totoo at mabuti, sa pakikipagkapwatao, sa pakikipagkapwa sa Maykapal. Ang tinutuonan niya ay ang totoo at mabuti, at sa h alus hindi niya napapansin, lumiligaya siya.

Bahagi ng sinaunang nauunawaan natin ang pagmumulat natin na kailangan, dapat nating pagtiyagaang magpakabait; na ang ibig sabihin ay tuonan at pagsikapang isagawa ang totoo at mabuti.

Sa isang pilosopikong pagsusuri, lilinaw ng kaunti man lamang ang istruktura ng dapat na ito.

Ang dapat na ito'y "nakasulat" sa ating kalikasan bilang tao. Sapagkat ang ating kalikasan ay isang pagnanais sa tahasan at lubusang ligaya, at likas sa atin na ang tunay lamang na ligaya ang makapatatahimik sa pagnanais na ito, nakita natin na sa mas malalim na pagtingin, lilitaw ang ating kalikasan bilang isang pagnanais sa totoo at mabuti. Kaya't kung hindi tayo nagsisikap na mabuhay ayon sa totoo at mabuti, linalabanan natin ang ating mismong kalikasan, nakikihidwaan tayo sa ating katauhan, sa ating sarili.

Ang katotohanan na ako'y tao ay isang utos sa akin: magpaka-ikaw ka. Iyan ang udyok sa loob ko ng aking mismong kalikasan, mismong katauhan. At ang aking pagsikap sa pakikipagkapwatao at pakikipagkapwa sa Maykapal ay siyang pagsisikap kong magpaka-ako. At kapag hindi ako nagsisikap ng ganito, hindi ko isinasagawa ang kung-sino-ako. Hindi ako nagpapaka-ako. Pagwasak sa sarili ang aking ginaganap sa aking tagilid na pamumuhay.

Samakatwid, ang dapat ay udyok sa atin ng mismo nating pagkatao.

Nasa kalooban din ng Maykapal ang dapat. Ang kalooban na malayang pinasyang likhain ako at sa bawat sandali'y pinananatili ako sa meron. . .ang kaloobang iya'y siyang naglagda sa aking katauhan ng "magpaka-ikaw ka" at sa sari-saring mga pahiwatig ay patuloy na pinaaalaala ang :magpaka-ikaw ka". Kalooban niya: magpaka-ako ako, magpaka-ikaw ka, magpaka-tayo tayo.

Samakatwid, loob ng Maykapal ang dapat ng etika.

IYAN ANG ATING PAGMUMUNI-MUNI ukol sa "ley natural," sa batas na bukal sa ating mismong pagkatao. Malinaw na ang pagmumuni-muning ito'y hindi makapagbibigay ng mga tumpak solusyon sa ating mga problema. Ngunit, ang pagmumulat sa ley natural ay pagmumulat sa gabay na kailangan at hindi maiiwasang gamitin sa ating pagkikilatis sa mga sari-saring solusyon na inaalok sa atin ng ating talino o ng mga pananabik ng ating kapuwa.

Home | Articles | Links | Mailing List | Contact

All Rights Reserved 2003 Pilosopo Tasyo
Updated last 04 October 2003